Calendar
Negosyante na tadtad ng kasong estafa, huli, derecho selda
SA loob ng marangyang condominium natimbog ng pulisya ang 33-anyos na babaing negosyante na tadtad ng mga kasong kriminal sa iba’t ibang korte sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon Martes ng hapon sa Taguig City.
Dakong alas-5:30 ng hapon nang dakpin sa bisa ng mga warrant of arrest ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco si alyas “Loraine” sa kanyang Unit sa Tower II ng The Florence Condominium sa McKinley Hill, Brgy. Palar, Taguig City.
Ayon kay Makati police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr. ilan sa isinilbing warrant of arrest ng mga operatiba ng kanilang Sub-Station-7. Station Intelligence Section, at Warrant and Subpoena Unit ang tatlong kasong Large-Scale Illegal Recruitment na inilabas ng Tanauan, Batangas Regional Trial Court (RTC), Bacoor City RTC, at Cavite RTC na pare-parehong walang inirekomendang piyansa.
Bitbit din ng mga operatiba ang limang bilang na kasong estafa na inilabas ng Municipal Trial Courts (MTCs) ng Balagtas, Bulacan, Bacoor City, at Cavite, pati na ang 15 bilang na kasong paglabag sa Batas Pambansa Bilang 22 o Bouncing Checks na inilabas ng Makati at San Juan Cities MTC.
Pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Makati Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang utos ng hukuman para sa paglillipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

