Rice

NFA nagdiskarga ng 35K sako ng bigas para sa Visayas para ibenta ng P20/kilo

Cory Martinez May 13, 2025
15 Views

NAGSIMULA ng magdiskarga noong Lunes ang National Food Authority (NFA) ng 35,000 bags ng bigas sa Cebu para sa pilot test sa Visayas ng P20/kilo na bigas na programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na bahagi ng 600,000 bags ng bigas na inorder ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia para sa inisyatibang “Benteng Bigas Meron Na! (BBM Na!) ang naturang shipment.

Nagkasundo ang Cebu, Bohol, Siquijor at Southern Leyte na sumali sa subsidized rice incentive at magkakaroon ng inisyal at pinagsamang order ng 673,000 50-kilo bags para sa pilot test na tatagal hanggang Disyembre.

Nag-order ang Siquijor ng 40,000 bags ng bigas, 30,000 bags naman ang inorder ng Southern Leyte at 3,000 bags ang sa Bohol.

Magkatuwang na ipinapatupad ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI) at sa pakikipagtulungan ng sumaling local government units ang P20 BBM Na! subsidized rice program.

Naglaan si President Marcos ng P4.5 billion mula sa kanyang contingency fund upang suportahan ang pilot implementation ng programa na tatagal hanggang Disyembre.

Inatasan din nito ang DA na ipagpatuloy ang inisyatiba hanggang sa matapos ang kanyang termino sa 2028.

Sa kasalukuyan, ang programa pinasimulan sa Visayas, KADIWA ng Pangulo centers, 11 LGUs na nakilahok at piling resettlement sites ng National Housing Authority (NHA) na sumali na national food security emergency response ng Pilipinas.

Sinabi ni Lacson na inaasahang makukumpleto sa Hunyo ang paglilipat sa Cebu ng 240,000 na sako ng bigas mula sa NFA warehouses sa Mindoro at Iloilo.

Idinagdag nito na ang pagpapaluwag sa mga warehouse kailangan upang maipagpatuloy ang pamimili ng bigas sa mga magsasaka.

Kasalukuyang bumibili ng palay ang NFA sa mga magsasaka sa presyong P18 hanggang P24 per kilo.

Naghahanap ang ahensiya o kung hindi man madoble ang kasalukuyang P9 billion na alokasyon upang mapahanda ang impluwensiya at suporta sa kita ng magsasaka.

Sinimulan na rin noong Martes ang rollout ng P20/kilo na bigas sa 12 KADIWA ng Pangulo centers sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

Aabot sa 32 ang KADIWA centers sa Mayo 15.