NHA

NHA nagsagawa ng 3 araw na gender equality seminar

Jun I Legaspi Sep 28, 2024
107 Views

NAGSAGAWA ang National Housing Authority (NHA) Gender and Development (GAD) Focal Point System ng tatlong-araw na Planning and Budgeting Workshop sa Mabitac, Laguna bilang patunay ng pagtutupad ng programa, aktibidad, at proyekto na nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng kasarian.

Layunin ng event na tuklasin ang mga karagdagang oportunidad upang itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagpapalakas ng kababaihan para sa mga empleyado at benepisyaryo ng NHA sa 2025.

Kabilang sa mga tinalakay ang mga training seminar, forum at mga aktibidad sa serbisyo, tulad ng mga programa sa kamalayan tungkol sa sexual at mental health, “Serbisyo kay Juana,” mga advocacy run para sa kababaihan at iba pa.

Bilang kinatawan ni NHA GM Joeben Tai, binigyang-diin ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang pangmatagalang epekto ng mga programa ng GAD ng NHA.

“Ang mga ginagawa ninyo ngayon makikinabang ang mga susunod na henerasyon.

Ang bawat programang GAD na pinlano at ipinatupad ng ahensya makakatulong sa pagpapataas ng kamalayan at pagtatakda ng pamantayan para sa inklusibidad at pagkakaiba-iba sa pang-araw-araw na buhay,” pahayag ni Feliciano.

Ang training pinangunahan ni Atty. Maria Magdalena T. De Leon-Siacon, manager ng Housing Support Services Group at GAD Chairperson, kasama si Atty. Sergio D. Domasian, manager ng Management Services Group at Vice Chairperson.

Sa patuloy na mga inisyatibo nito at matatag na pamumuno, nakatakdang itaguyod ng NHA ang mga tagumpay na ito at higit pang isama ang gender-responsiveness sa kultura ng organisasyon at mga serbisyo nito sa 2025 at sa hinaharap.