NHA TURNOVER NG PABAHAY – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasama sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, National Housing Authority General Manager Joeben Tai at Human Settlement and Urban Development Secretary Jose Acuzar, ang ceremonial turnover ng walong Yolanda Permanent Housing Program projects at paglagda sa Memorandum of Agreement at Deed of Donation and Acceptance para sa Leyte, Samar at Biliran, na ginanap Biyernes ng umaga sa Burauen Community College Multi-Purpose Gym sa Burauen, Leyte. Naroon din si Leyte Governor Jericho “Icot” Petilla at ang mga housing beneficiaries. Kuha ni VER NOVENO

3,000 pabahay sa mga biktima ng Yolanda ibinigay ni PBBM

Chona Yu Jan 17, 2025
13 Views

AABOT sa 3,517 na housing units para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas ang ibinigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Pinangunahan nina Pangulong Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang ceremonial turnover ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) projects sa Leyte, isang patunay sa pagnanais ng gobyerno na muling maitayo ang mga komunidad na winasak ng super typhoon Yolanda, 11 taon na ang nakakaraan.

Sa ceremonial turnover ng mga housing projects sa Burauen, Leyte, sinabi ni Pangulong Marcos na bahagi ito ng recovery programs na inilatag ng administrasyon para sa mga biktima ng kalamidad.

“Ngayon, inihahandog namin ang mahigit tatlong libo at 3,500 bahay, bahagi ng mga proyektong matatapos na sa Leyte, sa Samar at sa Biliran,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kasama sa event na ginanap sa Burauen ang turnover ng mga symbolic keys sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan mula sa walong munisipalidad sa Leyte, Samar at Biliran kung nasaan ang mga housing project.

Ang mga proyektong ito ay bahagi ng inisyatiba ng National Housing Authority (NHA) upang mabigyan ng permanenteng bahay ang mga Yolanda survivors.

“Nagpapasalamat tayo sa Pangulo para sa patuloy na suporta sa ating lalawigan. Ang proyektong ito ay hindi lamang tungkol sa simpleng pabahay kundi simbolo ito ng pagbangon ng ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.

Ibinigay ni Pangulong Marcos ang symbolic keys kina Culaba Mayor Humphrey Olimba, Marabut Mayor Percival Ortillo, Tabon-Tabon Mayor Efren Redoña at Tanauan Mayor Gina Merilo.

Binigyan din ng symbolic keys sina Julita Mayor Percival Caña, Dagami Mayor Angelita Delusa, Pastrana Mayor Maritess Marcos at Burauen Mayor Juanito Renomeron.

Kasama sa YPHP turnover ang mga natapos na housing units sa mga sumusunod na komunidad:

1. Cool Spring Residences (Burauen Housing Project) sa Burauen, Leyte

2. Riverside Community Residences (Tabontabon Housing Project) sa Tabontabon, Leyte

3. Mont Village Subdivision sa Tanauan, Leyte

4. Coconut Grove Village sa Julita, Leyte

5. Marabut Village Sites 1 at 2 sa Marabut, Samar

6. Pastrana Ville sa Pastrana, Leyte

7. Dagami Town Ville sa Dagami, Leyte

8. Culaba Housing Project sa Culaba, Biliran

“Para po sa mga benepisyaryo ng Yolanda Permanent Housing Program, hindi ninyo po kailangan magbayad na ng amortisasyon. Libre na po ang inyong bahay at lote. Hindi na po kayo sisingilin ng NHA dahil bigay na po ito sa inyo ng inyong pamahalaan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Nagpatayo tayo ng mga bahay na matibay at kayang siguruhing ligtas ang inyong pamilya sa gitna ng mga hamon ng kalikasan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Tiniyak aniya ng NHA, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at mga local government na matibay ang mga ipinatayong bahay.

“Iyan ay dahil sa disaster resilient housing design na masusing isinagawa ng National Housing Authority. Ibig sabihin po nito, ang ating mga pabahay ay kaya ng labanan ang malakas na hangin at lindol,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Umabot sa 3,517 housing units ang iti-turnover sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Yolanda, partikular sa mga pamilyang nakatira sa unsafe o no-build zones. Sa naturang bilang, 1,963 na ang nai-award at inookupa na.

Ang bawat unit ay mayroong floor area na 22 hanggang 28.6 metro kuwadrado na itinayo sa 40 metro kuwadradong lupa.

“Ang mga bahay na ito ay kumakatawan sa bagong pag-asa at bagong simula para sa ating mga kababayan na nasalanta ng Yolanda,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Ito ay patunay ng malasakit at pagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ng ating mahal na Pangulong Marcos Jr.,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Kasama sa ceremonial turnover ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) at Deed of Donation and Acceptance (DODA), upang pormal ng mailipat ang mga housing unit sa mga benepisyaryo.

Nagpasalamat naman ang mga mayor, na siyang kumakatawan sa walong lokal na pamahalaan, sa pabahay para sa kanilang mga constituent.

Binigyan-diin naman ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng kolaborasyon sa pagitan ng national government at mga local stakeholder sa pagtugon sa problema sa pabahay at pagtiyak na makakabangon mula sa kalamidad.

“Ang tagumpay ng proyektong ito ay dahil sa pagtutulungan ng lahat ng sektor — mula sa pamahalaan hanggang sa ating mga komunidad,” sabi pa ng lider ng mahigit 300 kinatawan sa Kamara.

Nagpasalamat din ang mga benepisyaryo sa pamahalaan.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na masiguro na makakabangon muli ang mga Yolanda survivor.

“This is also about restoring dignity and giving our kababayans a chance to rebuild their futures,” sabi pa nito.

Muli ring nangako si Speaker Romualdez na patuloy na isusulong sa Kongreso ang mga panukala upang mapalakas ang disaster preparedness at recovery programs ng gobyerno.

“Patuloy tayong magsusulong ng mga programang magbibigay ng seguridad at katiyakan sa ating mga kababayan,” sabi pa nito.

“Ang bawat tahanan ay simbolo ng pag-asa, at ang bawat proyektong ito ay patunay ng ating sama-samang pagsusumikap para sa mas magandang kinabukasan,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ayon sa NHA, natapos na nito ang 175,728 sa target na 189,800 units hanggang noong Disyebre 2024, kasama na ang 3,517 units na bahagi ng ceremonial turnover ng Biyernes.

Ang nalalabing 14,072 units ay inaasahan namang matatapos hanggang Disyembre ngayong taon.

Nasa 67 porsiyento o 133,725 ng mga natapos na housing units ang nai-award na o inuukupa na ng mga benepisyaryo.