Calendar

NTA: Tobacco industry masigla
MASIGLA pa rin ang kalakalan ng produktong tabako sa kabila ng pagdeklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical andAstronomical Services Administration (PAGASA) noong nakaraang linggo na simula na ang tag-ulan.
Ayon kay Dr. Giovanni Palabay, manager ng National Tobacco Administration (NTA)-La Union, nakabukas ang mga trading centers para sa mga nilutong dahon ng Virginia tabako sa Ilocos hanggang Hunyo 30.
Maaring hingin ng NTA sa mga trading centers na bilhin din ang mga hindi pa nabentang Birhinya na produkto ng magsasaka pagkatapos ng Hunyo 30.
Paliwanag pa ni Palabay, ang pinakamataas na bentahan ng Birhinya na tabako ngayon sa mga trading centers ay aabot ng P130 kada kilo depende sa kalidad ng nasabing produkto.
Ang mga kasalukuyang nakabukas na trading centers ng Birhinya na tabako sa Ilokos ay Universal Leaf Philippines, Inc. (ULPI), Trans Manila, Inc. (TMI) at Continental Leaf Tobacco Philippines, Inc. (Conleaf).
Samantala, mananatiling bukas hanggang Agosto 31 ang kalakalan ng Burley at native na tabako sa Rehiyon 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region.
Ang naiulat na pinaka-mataas na bentahan ng Burley na tabako sa Luzon partikular sa Isabela ay P118kada kilo at P175 per kilo naman ang native-batek na tabako.
Maliban sa ULPI, ang mga trading centers na bumibili ng Burley at native na tabako sa Luzon ay Pentaleaf (Cagayan Valley), Antonio and Josefina Trading Center (A&J TC), and John Medriano Trading Center (JMTC) (La Union).
Sa mga magsasaka sa Mindanao, ibinebenta nila ang kanilang produkto na native-Batek na tabako sa mga lokal markets o tinatawag na “tabo market.”
Sa talaan ng NTA noong Hunyo 4, 2025, umaabot na sa 59, 242 ang mga magsasaka ng tabako sa buong bansa na may kabuuang lawak na 32,503 ektarya na lupaing tinatamnan ng tabako.
Para kay NTA Administrator at CEO Belinda S. Sanchez, inaasahan nya na tataas pa ang kita ng mga magsasaka ng tabako ngayong 2024-2025 cropping season dahil sa patuloy na mataas na presyo ng nasabing produkto.
Mas mataas sa mga itinakda at inaprubahang floor prices ng tabako noong 2023 tripartite conference ang mga naiulat na kasalukuyang bentahan ng tabako kada kilo.
Ang mga inaprubahang floor prices ng lahat ng klase ng tabako sa pinakahuling tripartite conference ay ang mga sumusunod: Para sa nalutong dahon ng Birhinya na tabako: Class AA – P97; A – P96; B – P95; C – P93; D – P85; E – P84; F1 – P75; F2 – P72 and R – P61.
Para sa pinatuyong dahon ng Burley na tabako: Class A – P81; B – P78; C – P69; D – P58; E – P57; F – P49; and R – P39; at para sa pinatuyong dahon ng native na tabako: High Grade – P81; Medium 1 – P70; Medium 2 – P60; Low 1 –P50; and Low 2 – P38.
Masusing pinag-aaralan kada dalawang taon ang mga floor prices ng tabako sa pamamagitan ng tripartite conference ng mga lider ng magsasaka ng tabako, mga traders at manufacturers ng sigarilyo, upang masigurado ang dapat at sapat na presyo kada kilo sa lahat ng klase ng tabako sa bansa.
Nabigyan ng awtoridad ang NTA na itakda ang floor prices ng tabako sa pamamagitan ng tripartite consultative conference na pinangungunahan ng Regulation Department ng ahensya.
Sa ngayon, ang tabako lamang ang produkto ng agrikultura sa buong bansa ang may floor prices at ito rin ang nanatiling produkto ng mga libu-libong magsasaka na nakapagbibigay ng mataas na kita at malaking tulong sa ekonomiya ng bansa.
Sa ngayon, aabot na sa mahigit na 2.2 milyong Filipinos ang nakadepende sa industry ng tabako kasama ang mahigit na 430,000 magsasaka, ang kanilang pamilya at katulong sa pagsasaka ng tabako.