Jericho Nograles

Obiena pinagtanggol ni Nograles

Mar Rodriguez Mar 15, 2022
286 Views

HINIHILING ngayon ng isang congressman sa Philippine Sports Commission na tanggalin na ang budget ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) dahil sinasayang lamang umano nito ang binabayad na buwis ng publiko para sa kanila.

Binira ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party List Rep. Jericho Nograles ang PATAFA matapos na hindi makasama sa World Indoor Championship (WIC) si “star pole vaulter” OJ Obiena.

Bunsod nito, tahasang sinabi ni Nograles na dahil sa masaklap na karanasan ni Obiena, dapat na aniyang putulin at ihinto ng PSC ang pagbibigay ng suporta sa PATAFA sapagkat nasasayang lamang ang ibinabayad na buwis ng publiko.

Ikinatuwiran ni Nograles na dapat pa bang suportahan ang isang tanggapan tulad ng PATAFA na wala naman umanong kakayahan para pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipinong Atleta.

Dahil sa labis na pagkadismaya ng kongresista sa PATAFA, umaapela din siya sa iba’t-ibang foundation at private institutions na huwag na nilang ipadaan sa PATAFA ang ipinagkakaloob nilang mga donasyon. Bagkos ay direkta na lamang nitong ibigay sa mismong mga Atleta.

Ang pinaghuhugutan ng ngitngit ni Nograles sa PATAFA ay kaugnay sa naging karanasan ni Obiena sa nagdaang Olympic, matapos na hindi siya mapabilang sa World Indoor Championship (WIC) dahil sa wala itong endorsement mula sa PATAFA.

“This action of PATAFA only shows that its existence is not for the best interest of Philippines Sports. The PSC should stop funding PATAFA and direct all support to individual Athletes, PATAFA has lost all the moral rights to represent the Philippines as an NSA because of its action against Obiena,” dismayadong pahayag ng kongresista.

Hinihikayat din ng mambabatas ang iba pang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na tigilan na rin nila ang pagkakaloob ng suporta sa PATAFA.

“Go straight to the athletes and stop funding PATAFA,” sabi pa ni Nograles patungkol sa PAGCOR at PCSO.