Tahanan

Oducado suportado kahilingan ni PBBM na paigtingin kampanya vs droga

Mar Rodriguez Jun 16, 2025
30 Views

Tahanan1BILANG isa sa kaniyang mga adbokasiya, sinusuportahan ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado ang pagpapaigting ng kampanya laban sa paglaganap ng illegal na droga kasunod ng naging kahilingan ni President Ferdinand Marcos, Jr.

Pagbibigay diin ni Oducado na ang paglaganap ng illegal na droga ang isa sa mga nananatiling problema ng ating pamahalaan kaya kinakailangan ang partisipasyon ng mamamayang Pilipino para tuluyan ng masawata ang tinaguriang “drug menace”.

Kinakatigan ng baguhang kongresista ang naging panawagan ni Pangulong Marcos, Jr. sa buong mamamayan sa pamamagitan ng kanilang pakikipagtulungan sa pamahalaan upang tuluyan ng masawata ang illegal na gawain saan mang panig ng bansa.

Nauna rito, hinihikayat ng Pangulo ang publiko na tularan ang mga mangingisda mula sa Pangasinan at Bataan kung saan nakipagtulungan ang mga ito sa pamahalaan para maprotektahan ang kanilang komunidad mula sa sindikato ng illegal na droga.

Dahil dito, pinapurihan ni Oducado ang mga nasabing mangingisda dahil sa kanilang ipinakitang malasakit at katatagan para maprotektahan ang kanilang komunidad na dapat magsilbing ehemplo para sa iba pang mamamayan laban sa ipinagbabawal na gamot.

Ipinaliwanag ni Oducado na ang paglaban sa illegal na droga ay hindi lamang dapat tungkulin ng gobyerno bagkos ay obligasyon din ng bawat Pilipino dahil hindi umano kakayananin kung ang pamahalaan lamang mag-isang ang kikilos para ito ay puksain.

Samantala, pinangunahan ni Oducado ang pagdiriwang ng “Father’s Day” sa loob ng Koronadal City District Jail para sa mga bilanggong Tatay para maiparamdam sa kanila ang kanilang kahalagahan bilang Ama bagama’t sila ay nasa loob ng piitan.

“We joined our fathers inside the Koronadal City Jail for a morning full of smiles. Fatherhood doesn’t end behind bars, it continues to live their dreams, hopes and love for their family,” wika nito.