Magsino

OFW Party List tiniyak na may part 2 voter’s registration para sa OFWs, OFs

Mar Rodriguez May 1, 2024
104 Views

TINIYAK ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino na magkakaroon ng pangalawang yugto ng “voter’s registration” para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at Overseas Filipinos (OFs) para mabigyan ng pagkakataon ang mga hindi nakapagpa-rehistro noong nakalipas na April 25.

Nauna rito, inilunsad ng OFW Party List Group sa Kamara de Representantes ang “voter’s registration” para sa mga OFWs at iba pang sektor para makalahok ang mga ito sa gaganaping “Internet Voting” bilang paghahanda naman sa papasok na 2025 mid-term elections.

Ipinaliwanag ni Magsino na madali ng makakaboto ang mga OFWs bunsod ng pagsisikap nila ng COMELEC na maging internet-based ang pagboto ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat sa pamamagitan ng “Internet Voting” na magsisimula sa susunod na taon (2025 elections).

Ayon sa kongresista, kabilang sa overseas voter’s registration ang mga Overseas Filipino (OFs) o mga Pinoy na naninirahan sa iba’t-ibang panig ng mundo at mga OFWs. Kung saan, kasama din sa mga nagpa-rehistro ang mga Pilipino na nasa ibang bansa sa panahon ng 2025 elections.

Dahil sa magandang resulta ng idinaos na “voter’s registration”, sinabi ni Magsino na posibleng balangkasin nila sa tulong ng COMELEC ang pagkakaroon ng pangalawang yugto o part 2 ng papapa-rehistro. Ito ay dahil marami pa aniyang mga Pilipino ang hindi nakapagpa-rehistro.

“Definitely magkakaroon ng second part kasi open naman ang COMELEC tungkol dito. Ang sabi nga ni Chairman Garcia na kung kinakailangan na maulit uli kasi ngayon ay weekdays. Puwede naman daw tayong mag-request, ang COMELEC kasi ay naghahanda sa iba’t-ibang lugar para dito sa registration,” wika ni Magsino.

Kasabay nito, hinihikayat din ni Magsino ang lahat ng OFWs at OFs sa buong mundo na magpa-rehistro na sapagkat hanggang September 30 ngayong taon na lamang maaaring magpa-rehistro.