Gatchalian

Operasyon ng gobyerno magiging mas episyente sa pagbubukod sa mga guro, non-teaching staff

14 Views

SUPORTADO ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagbubukod sa mga guro at non-teaching personnel mula sa mga panukalang rightsizing upang gawing mas episyente ang operasyon ng gobyerno.

Binigyang diin ni Gatchalian na sa basic education sector palang, kulang na kulang na ang mga guro at non-teaching staff. Matatandaan na noong talakayan sa 2025 national budget, iniulat ng Department of Education (DepEd) na kulang ang mga pampublikong paaralan ng 56,050 na guro at 20,688 na non-teaching personnel.

“Kung merong dapat i-exempt sa rightsizing, dapat ‘yung mga teaching and non-teaching personnel dahil alam naman natin na kulang ang bilang nila sa buong bansa,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Gayunpaman, muling iginiit ng senador na kailangang pabilisin ang pag-hire sa mga guro, lalo na’t madalas abutin ng anim na buwan ang proseso at dumadaan pa sa Department of Budget and Management at Civil Service Commission. Sabi ni Gatchalian, kailangan ng mas marami pang non-teaching staff upang hindi na gawin ng mga guro ang mga administrative task at iba pang dagdag na trabaho maliban sa pagtuturo.

Sa Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumabas na mahigit 50 non-teaching at ancillary tasks ang pinapasa sa mga public school teachers, bagay na nakakaapekto sa kanilang epektibong pagtuturo. Upang matugunan ito, naglabas ang DepEd ng Order No. 02 series of 2024 na nag-uutos ng agarang pagtanggal ng non-teaching tasks sa mga public school teachers.

Ang mga panukala hinggil sa rightsizing ay naglalayong gawing mas episyente ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbabawas o pag-alis ng redundancies, overlaps, at duplications sa operasyon ng iba’t ibang ahensya at departamento. Layon ng naturang panukala na bigyan ng awtoridad ang Pangulo na muling ayusin o i-reorganize ang Executive Branch, kabilang ang pag-merge, pag-streamline, o pagbuwag sa mga ahensyang may magkaparehong tungkulin.

Layon din ng mga naturang panukala ang paglikha ng komite na tututok sa rightsizing program ng Executive Branch.