Druglords

Opisyal ng Davao jail pinatotohanan testimonya ng 2 preso na pumatay sa 3 Chinese lords sa DPPF

101 Views

PINATOTOHANAN ng isang opisyal ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) ang testimonya ng dalawang preso na umamin na pumatay sa tatlong Chinese drug lord noong 2016.

Sa pagtatanong ni Laguna Rep. Dan Fernandez, chairman ng Committee on public order and safety, kay Senior Inspector Nonie Forro sinabi nito na ang kanyang boss na si Supt. Gerardo Padilla ang nagpalipat kina Leopoldo Tan Jr. at Fernando Magdadaro sa bartolina 6 upang maisagawa ang pagpatay noong Agosto 13, 2016.

Ayon kay Forro, kumander ng mga prison guard ng DPPF sinabi nito na pinayagan ni Padilla ang paglilipat kina Tan at Magdadaro kaya naisagawa umano ng mga ito ang pagpatay kina Chu Kin Tung, alyas Tony Lim; Li Lan Yan, alyas Jackson Li; at Wong Meng Pin, alyas Wang Ming Ping.

Ayon kay Forro, mayroong tatlong lebel ng mga opisyal na nag-aapruba sa paglipat ng mga preso.

“So ikaw ang final approval?” tanong ni Fernandez kay Forro.

Sagot naman ni Forro, “Hindi, for the final approval talaga manggagaling sa taas.”

“Kay warden, so after your approval dinala mo kay warden, so si warden ang nagsisinungaling. So ngayon ang final na approval ng pagpapasok ng Chinese together with the two PDLs is under your jurisdiction, warden,” sabi ni Fernandez.

Sinabi ni Forro na ang paglipat kina Tan at Magdadaro ay mayroong clearance mula kay Padilla.

“May advise po si sir Gerry…may advise po si Supt. Padilla,” ani Forro.

“So may advise si superintendent na ipasok sa isang bartolina ‘yong lima?,” paglilinaw ni Fernandez na nakakuha ng “Opo” na sagot kay Forro.

Nauna ng sinabi ni Tan na matapos nilang patayin ni Magdadaro ang tatlong Chinese ay tumawag si Pangulong Rodrigo Duterte kay Padilla upang purihin ito.

Itinanggi naman ito ni Padilla. “Pinapasinungalingan ko po ang lahat, wala pong nangyaring tawag sa akin mula sa presidente no’ng panahong ‘yon, at saka po ‘yong mga meron po akong sinumpaang salaysay kung saan naka-base po ito sa investigation report ng parallel investigation na ginawa ng PNP Dujali City and province. Nandito po ang mga unang sinumpaang salaysay ng dalawa bago po naipasa sa korte para masampahan sila ng kaukulang demanda.”

Halata naman na hindi pinaniwalaan ng mga kongresista ang kanyang sinabi.

“Paano nagkataon Mr. Chair na sabay silang pumasok doon sa selda sais. Pwede po ba pumasok ang bilanggo sa bartolina without the approval of the warden? Pwede po ba pumasok ang tatlong Chinese national without the approval of the warden? Ito po ang tatanungin ko sa inyo, kayo po’ng warden, alam po ninyo ang lahat nangyayari sa bilangguan. Imposible na napasok ‘yong limang tao sa selda sais na magkasama without the prior approval of the warden,” sabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.

“Hindi po tayo kindergarten dito, hindi po tayo bata, alam ho natin ‘yong regulasyon, I was a governor before, ako ay dumalaw rin ng mga provincial jails, and I know the regulations, wala pong nangyayari na mga movement ng bilanggo kung wala pong approval ng warden,” dagdag pa ni Pimentel.

Ganito rin ang sinabi ni Padilla: “What we are trying to imply here, that being the warden…during that time that they were apprehended tapos nilipat natin sila sa bartolina. So no’ng nilipat natin sila sa bartolina we all know that these are all foreigners and high-value targets. And together with the two PDLs, that they committed and they were convicted of murder, putting them together will put those foreigners at risk. Hindi mo ba naisip ‘yon?”

Itinuro ni Padilla si Forro na siyang naglipat kina Tan at Magdadaro at sa tatlong Chinese sa bartiolina 6.

“Sino nga, bakit hindi mo mabanggit kung sino? This will be your last chance. I will cite you in contempt. You are lying. Ang tanong lang diretso, sino ang nag-utos if not you?” sabi ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano.

“One of the guards po, Inspector Nonie Forro, then ipapasa po ‘yan,” sagot ni Padilla.

Si Padilla ay na-cite in contempt ng komite at ipinakulong sa Bicutan Jail.