Calendar

Opisyal ng Kongreso utas sa RIT
PATAY ang opisyal ng Kongreso na pinagbabaril ng hindi nahuling riding-in-tandem (RIT) habang ipinagdiriwang ang ika-7 kaarawan ng kanyang anak na babae sa Barangay Commonwealth, Quezon City, noong Linggo.
Ayon kay P/Lt. Col. Romil Avenido, hepe ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), naisugod pa sa FEU-NRMF Hospital ang 63-anyos na biktima subalit idineklarang dead on arrival.
“Ngayon po ay inaalam pa namin ang motibo nitong krimen ng pamamaslang. Agad tayong nakaresponde at naisugod pa natin itong biktima sa ospital pero ito’y dead on arrival,” ayon kay Avenido.
Bandang alas-2:30 ng hapon habang abala sa kaarawan ng anak, biglang pumasok sa venue ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at malapitang pinagbabaril ang biktima saka mabilis na tumakas.
Habang tumatakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo ay pinaputukan din ang security guard ng subdivision.
Sinabi ni Avenido, sinusuri na nila ang mga kuha sa CCTV sa lugar upang matukoy ang mga salarin.
“Well-planned ang krimen na ito. Talagang pinag-aralan nila nang maigi itong lugar kaya gumamit sila ng pekeng ID and iniwan po nila ito no’ng umeskapo na sila,” pahayag ni Avenido.
Sinabi rin niya na mayroon na silang person of interest at ang alitan sa negosyo ang tinitingnan nilang motibo dahil ang biktima ay nasa negosyo ng medical supply.
“We extend our deepest condolences to the victim’s family and assure the public that justice will be served,” ayon kay P/Col. Randy Glenn Silvio, officer-in-charge ng QCPD.
Iniutos na rin ni Silvio ang pagbuo ng Special Investigation Team para tutukan ang pagtukoy at pagdakip sa mga suspek.