Martin3 BPSF BATANGAS — Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbubukas ng premier service program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), Sabado ng umaga sa Aboitiz Pitch, Lima Park, Lipa City sa Batangas. Naroon sina Finance Secretary Ralph Recto; Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.; Lipa City Mayor Eric Africa; 143 district at party-list miyembro ng Kamara sa pangunguna nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Deputy Speakers David “Jayjay” Suarez at Camille Villar, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe at Minority Leader Marcelino Libanan; at mga lokal na opisyal ng lalawigan. Kuha ni VER NOVENO

P.5B ayuda, serbisyo nabiyayaan 60K benepisyaryo sa BPSF sa Batangas

Mar Rodriguez Aug 24, 2024
91 Views

Martin2MATAPOS ang matagumpay na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) Agency Summit, inilunsad nitong Sabado ang pinakamalaking serbisyo at convergence caravan sa Batangas, kung saan kabuuang P563 milyong halaga ng mga serbisyo at tulong pinansyal mula sa gobyerno ang ipinamahagi sa mahigit 60,000 mamamayan ng lalawigan.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang pangunahing tagapagtaguyod ng Serbisyo Caravan, mismong ang “Anak ng Batangas” na si Finance Secretary Ralph Recto, na dati ring kinatawan ng distrito ng Batangas, ang nagsilbing punong-abala sa dalawang araw na BPSF sa Lipa City na nagsimula nitong Sabado.

“Natutuwa tayo at kahit Secretary of Finance na si dating Congressman Ralph Recto ay siya pa rin ang tumayong local host ng ating BPSF sa Batangas at ang pagbabalik natin sa BPSF mula sa pahayag ng mas pinatinding interes ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa service caravan na nagbigay ng ibayong motivation sa ating organizers,” ayon kay Speaker Romualdez.

Dumalo rin sa event ang 143 mambabatas ng Kamara kabilang na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. at mga opisyal mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.

“Kailangan nang itayo ang mga Serbisyo at Tulong Center sa bawat lalawigan sa Pilipinas. Serbisyo ng gobyerno, direkta na sa tao, ito ang pangako ni Pangulong Marcos sa ating mga kababayan!” ayon kay Romualdez, pinuno ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Ayon kay Romualdez, ito na ang ikalawang pagkakataon na nagtungo ang BPSF sa Calabarzon region na naunang bumisita sa Sta. Cruz, Laguna, noong Nobyembre 2023.

Ang BPSF Batangas ay ang ika-22 sa serye ng serbisyo fair na layong magtungo sa lahat ng 82 lalawigan ng bansa upang ilapit ang tulong ng gobyerno ng “Mabilis, Maayos, Maginhawa at Masayang serbisyo publiko.”

Ang pagbubukas ng programa ay ginanap sa Aboitiz Pitch-Lima Park sa Lipa City noong Agosto 24, kung saan nagsilbing kinatawan ni Pangulong Marcos si Speaker Romualdez.

Sa layuning isakatuparan ang pangakong dalhin ang mas episyenteng serbisyo ng gobyerno sa mga tao, tampok sa BPSF Batangas ang pakikibahagi ng 50 ahensya ng pamahalaan na nagbigay ng 209 na serbisyo sa mahigit 60,000 benepisyaryo.

Sa dalawang araw na event, nasa kabuuang P563 milyong halaga ng mga programa ang inilaan sa buong probinsya, kabilang na ang P265 milyong cash assistance.

Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang payout ng tulong pinansyal sa 34,000 benepisyaryo sa lalawigan ng Batangas.

Bahagi rin ng BPSF ang libreng Pagkakaisa Concert na gaganapin sa nasabing lugar.

Sa loob lamang ng isang taon mula nang ilunsad ang BPSF, mahigit P10 bilyong halaga ng tulong ang naipagkaloob na sa mahigit 2.5 milyong pamilya sa naunang 21 pagbisita ng programa.

Sa ilalim ng pamumuno ng administrasyong Marcos, at pinagtibay na suporta rito ng Kamara, ipagpapatuloy ang programa upang mapuntahan ang lahat ng lalawigan.

Kinakatawan ng BPSF ang isang mekanismo ng pagkakaisa ng bawat sangay ng pamahalaan at ng buong bansa tungo sa bansang maipagmamalaki ng bawat Pilipino.

Ang pagsisikap na ito ay nagpapatunay ng pangako ni Pangulong Marcos na tiyakin na walang Pilipino ang maiiwan tungo sa hangaring pag-unlad ng Pilipinas.