P100 umento sa sahod masyadong mababa; Kamara pinag-aaralan P150 -P350 taas-sahod

Mar Rodriguez Feb 25, 2024
194 Views

PINAG-AARALAN ng liderato ng Kamara ang panukalang P150 hanggang P350 kada araw na umento sa sahod ng mga manggagawa, mas mataas sa P100 taas-sahod na inaprubahan ng Senado.

Ayon kay House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, bilang tinig ng mamamayan sa Kongreso ay kinikilala ng mga kongresista ang problemang kinakaharap ng mga manggagawa dulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at paliit ng kanilang kakayanang mabili.

“Our workers are enduring tough times, and as their representatives, it is imperative that we find substantial solutions to alleviate their financial burdens,” ayon kay Dalipe.

Sinabi ni Dalipe na inatasan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Kamara na tukuyin ang epektibong paraan kung paano mapalalaki ang take home pay ng mga manggagawa kabilang na ang pagsasabatas ng umento sa sahod at pagbabago ng mekanismo ng regional wage board.

Bilang pagtugon sa direktiba, sinabi ni Dalipe na nakahanda ang House Committee on Labor and Employment na gawing prayoridad ang pagsusuri sa mga nakabinbing panukala sa umento. Kabilang na rito ang panukala ni Deputy Speaker Raymund Mendoza, na nagsusulong ng P150 across-the-board wage increase.

“The urgency of these discussions highlights the House’s dedication to timely and impactful legislative action,” ayon pa sa Majority Leader.

Sinabi pa ni Dalipe, na naniniwala din ng mga mambabatas sa Kamara na ang inaprubahang panukala ng Senado na P100 pagtaas ng sahod ay hindi sasapat sa mga pangangailangan ng mga manggagawa.

Binigyan diin ni Dalipe na hinahangad ng mga kongresista ng Mababang Kapulungan ng mas mataas na umento, kaya’t iminumungkahi ang pagsasabatas ng umento sa pagitan ng P150 hanggang P350 kada araw. Naniniwala ang mga mambabatas na mas angkop ang halagang ito sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.

“While any increase is a step in the right direction, we must ensure that our legislative actions truly make a meaningful difference in the lives of our workers, particularly when considering the substantial challenges faced by the business sector, especially micro, small, and medium-sized enterprises,” paliwanag ni Dalipe.

Binigyan-diin ni Dalipe ang kahalagahan na mabalanse ang pangangailangan ng mga manggagawa at ang katatagan ng mga negosyo lalo at malaking bahagi ng ekonomiya ang binubuo ng MSMEs.

Binigyan diin pa ni Dalipe ang kahalagahan ng komprehensibong konsultasyon sa lahat ng stakeholder upang matiyak na ang pagbibigay ng umento sa sahod ay mapapakinabangan at may pangmatagalang mapagkukunan para sa mga maaapektuhan nito.

“The Congress is not just about passing laws quickly without thorough consideration. We are committed to enacting legislation that is both practical and beneficial for the long term,” ayon pa sa mambabatas.

Iginiit pa ni Dalipe na ang pagkakaroon ng mas malawak na pagtanaw sa pagpapabuti ng ekonomiya ay sa pamamagitan ng pag-iimbita ng mga dayuhang mamumuhunan.

“Opening the Philippine economy to foreign investors can lead to greater economic vitality, better jobs, and higher wages for our people,” ayon pa sa mambabatas, na binibigyang diin ang pangkalahatang pamamaraan upang mapabuti ang pambansang ekonomiya at ang antas ng pamumuhay ng mga manggagawa sa bansa.