OFW

P12M lotto jackpot 12 taon bago ibinigay ng PCSO sa ex-OFW

Edd Reyes Nov 26, 2026
67 Views

TINANGGAP na ng dating overseas Filipino worker (OFW) ang P14.3 milyong panalo sa 6/42 lotto jackpot matapos ang 12-taong legal battle noong Miyerkules isang araw bago ang 59th birthday ng OFW.

Si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades Robles ang nag-abot ng tseke kay Antonio Mendoza sa PCSO office sa Mandaluyong City.

“Napakasaya, napakasaya kasi maganda ang Pasko namin,” sabi ni Mendoza na may birthday cake pa galing kayRobles.

Ilang taong nagtrabaho bilang freelance technician si Mendoza sa Middle East.

Tiniis niya ang sobrang init bago bumalik sa bansa para harapin ang pagkakabaon sa utang, pati na ang nakasanglang bahay.

Nagsimula ang laban ni Mendoza noong Oktubre 2, 2014 nang makuha niya ang 6 na winning numbers sa Brgy. Dacanlao, Calaca, Batangas na may P12,391,600 jackpot subalit aksidenteng nalukot ng kanyang isang taong gulang na apo ang tiket.

Plinantsa naman ng kanyang anak na babae ang tiket subalit aksidenteng nasunog ng bahagya dahil sa sensitibong thermal paper kayat hindi ito tinanggap nang iprisinta niya sa PCSO.

Naghain ng kaso si Mendoza sa Regional Trial Court na pumabor sa kanya noong 2019 at kinatigan din ng Court of Appeals matapos ang isang taon.

Nang i-akyat ang usapin sa Korte Suprema, naglabas ng desisyon ang mga Mahistrado na kinatigan ang desisyon at inatasan pa ang PCSO na bayaran ang interes na sinang-ayunan din ng Commission on Audit (COA)

Pinayuhan ni GM Robles ang mga mananaya na ingatan ang kanilang ticket at huwag ilagay sa mainit na lugar upang hindi masira ang sensitibong mga katangian nakapaloob sa papel.