PRO-3 Director Brigadier General Jean S. Fajardo PRO-3 Director Brigadier General Jean S. Fajardo

P131M na shabu nakumpiska ng mga parak sa Central Luzon

Alfred Dalizon Jun 15, 2025
18 Views

MAHIGIT P131 milyong halaga ng ipinagbabawal na gamot ang nakumpiska ng Police Regional Office (PRO)-3 na pinamumunuan ni Brigadier General Jean S. Fajardo sa nakalipas na limang buwan.

Ang pagkakakumpisa ng napakalaking halaga ng iligal na gamot ay nagawa ng PRO3 bunga ng mas pinalawak na kampanya laban sa droga at iba pang kriminalidad sa Central Luzon.

Mula Enero 10 hanggang Hunyo 8, 2025, naisakatuparan ng PRO-3 ang kabuuang 2,706 anti-drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 4,084 na mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.

Ayon sa opisyal, ang mga operasyong ito ay nagbunga rin ng pagkakasamsam ng 19,032.93 gramo ng shabu, 15,409.96 gramo ng marijuana at 151.59 gramo ng kush na may kabuuang halaga na P131.4 milyon.

Binanggit din ni Gen. Fajardo na ang tunay na tagumpay ay masusukat sa likod ng mga datos, isa dito ang araw-araw na sakripisyo ng mga tauhan ng PRO-3 na patuloy na nagsisikap upang mailigtas ang komunidad mula sa panganib na dulot ng ipinagbabawal na gamot.

“Malaki ang naging bunga ng ating pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at mananatili tayong nakatuon sa layuning magkaroon ng ligtas na komunidad na malayo sa mapanirang epekto ng ipinagbabawal na gamot,” ayon sa opisyal.

Kasabay ng pagpapatupad ng batas, nananatiling matibay ang paninindigan ng PRO3 sa paggamit ng makatao at balanseng pamamaraan sa pagsugpo sa ilegal na droga.

Patuloy ang pakikipagtulungan ng PRO-3 sa mga lokal na pamahalaan at pagsasangkot ng mamamayan upang isulong ang kulturang nagtutulungan at nagmamalasakit sa isa’t-isa.