DBM

P1B inilaan para bayaran biktima ng Marawi siege

144 Views

NAGLAAN umano ang Marcos administration ng P1 bilyon para mabayaran ang mga biktima ng 2017 Marawi siege.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM) ang Marawi Siege Victims Compensation Fund ay kasama sa P5.268 trilyong National Expenditure Program (NEP) na kasalukuyang nakasalang sa deliberasyon ng Kamara de Representantes.

Makikita umano ito sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) or calamity fund.

Noong 2018 hanggang 2022, naglaan ang gobyerno ng pondo para lamang sa rehabilitation effort partikular sa mga imprastraktura na kailangang itayo.

Sa budget para sa susunod na taon ay mayroon ng pondo para bayaran ang mga napinsala ng gera.

Ang paglalaan ng pondo para sa mga residente ng Marawi na naapektuhan ng gera ay nakasaad sa Marawi Siege Victims Compensation Law o Republic Act 11696 na naging batas noong Abril 2022.

Kasama sa mga babayaran ang may-ari ng bahay o imprastraktura na nasira sa gera, at mga ari-arian na kailangang gibain para sa implementasyon ng Marawi Recovery, Rehabilitation, and Reconstruction Program.