Edd Reyes

P20 singil ng e-trike, pedicab driver sa tawid ng ilang hakbang sa baha

Edd Reyes Aug 19, 2026
36 Views

WALA pala sa bokabularyo ng ilang mga mapagsamantalang e-trike at pedicab driver sa Maynila ang salitang bayanihan o malasakit sa kapuwa sa panahon ng kalamidad.

Nito lang kasing araw ng Lunes, ginamit na oportunidad ng mga mapagsamantalang e-trike at pedicab driver ang hagupit ng matinding buhos ng ulan na dulot ng Habagat para pagsamantalahan ang mga kawawang pasaherong na-stranded sa mga lansangan dulot ng pagbaha.

Ok lang naman kung dagdagan nila ang regular na singil sa mga pasahero sa bawat ruta ng kanilang biyahe dahil talaga naman mahirap ding suungin ang mga baha sa lansangan pero huwag naman sanang sobra-sobra, lalu na kung estudyante pa lang sa kolehiyo o karaniwang obrero ang mga pasahero.

Sabi nga ng mga na-stranded na kawani ng mga bangko sa parte ng Binondo, tawid lang sa kabilang kalsada ay P20 kada ulo ang singil sa kanila samantalang ilang hakbang lang ito kung tutuusin kapag walang baha.

Ang matindi pa, kapag sa regular na ruta ng biyane na P20 kada pasahero ang pasahe sa e-trike at pedicab, aba’y P100 kada ulo ang singil na mga mapagsamantala. Buti sana kung may prangkisa sila sa lokal na pamahalaan pero karamihan daw sa mga bumiyahe ay mga kolorum.

Sabi ko nga, hindi baleng sumingil ng higit pa sa regular na pasahe pero huwag namang sobra-sobra dahil huwag naman sanang mangyari, baka bawian naman ng iba ang inyong mahal sa buhay o ng mga kaanak.

Lolo at lolang natigok na, tumatanggap pa raw ng pensiyon?

PANGUNAHING binibigyan ng pagpapahalaga ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga senior citizen sa lungsod hindi lang sa simula ng kanyang pag-upo bilang alkalde, kundi noon pa man sa panahon ng pangangampanya.

Kapag nakakasalubong nga ng alkalde sa kanyang pangangampanya ang mga lolo at lola, kaagad siyang humhinto para yakapin ang mga lola at pinupuntahan pa ang makikitang lolo para sila kamayan.

Kaya nang maupo na bilang alkalde ng lungsod, kahit hindi Pasko ay ipinamahagi kaagad ang donasyong Ensure milk powder na mainam sa kalusugan ng matatanda, habang may espesyal din siyang regalong Pamasko at cake sa mga nagdaraos ng kaarawan.

Pero nitong huling pamamahagi ng alkalde ng P1,500 sa mga senior citizen sa lungsod na bahagi ng kanilang pensiyon sa loob ng tatlong buwan, may nasilip na pagdududa ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) na may mga natigok ng senior citizen na tumanggap pa umano ng pensiyon.

Ito ngayon ang sinisilip at pinai-imbestigahan ng OSCA kung bakit nakalusot, kung talagang mayroon man, na tumatanggap pa rin ng kanilang pensiyon kahit nasa anim na talambakan na sa ilalim ng lupa.

Kung may nangyayaring ganitong kabulastugan, hindi ito makatarungan para sa mga senior citizen na dating tumatanggap ng pensiyon pero inalis sa listahan dahil kinupkop ng kanilang anak na nakatira sa labas ng lungsod pero nananatiling botante sa Maynila.

Totoo na nakasaad sa ipinasang ordinansa na hindi sapat na dahilan ang pagiging botante ng isang pensioner para tumanggap ng pensiyon dahil dapat ay lehitimo silang residente ng lungsod.

Kaya lang, mas hindi yata katanggap-tanggap na mabigyan ng pensiyon ang mga lolo at lola na sumakabilang buhay na dahil wala itong iniwan sa mga patay na nakakaboto pa sa panahon ng halalan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com