Angkas Makikita ang mugshots ng dalawang suspek sa iligal na pangangalakal ng droga na nasakote sa Brgy. Soledad. FP photo

P200K shabu nasamsam mula sa Angkas rider, kelot

Steve A. Gosuico Sep 20, 2024
79 Views

SANTA ROSA, Nueva Ecija–Laglag sa kamay ng batas ang Angkas rider at isang lalaki na pinaghihinalaang sangkot sa pangangalakal ng iligal na droga nang masamsam sa kanila ang higit P200,000 halaga ng shabu noong Miyerkules.

Kinilala ang dalawang naarestong suspek si alyas Geng, 40, Angkas rider, at isang alyas Markos, 39.

Magkasunod na natimbog sa loob ng 70 minuto ang dalawa, na sinasabing magkakilala at sangkot sa kalakaran ng ipinagbabawal na droga.

Unang bumagsak sa kamay ng otoridad si alyas Markos dakong alas-7:10 ng gabi, kasunod ang pangalawang suspek bandang alas-8:20 ng gabi.

Nasamsam sa mga nahuling suspek ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000 bawat isa para sa kabuuang halaga ng drug haul na katumbas ng P204,000.

Sinabi ni Maj. Rommel Nabong, hepe ng Santa Rosa police, na sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek sa provincial prosecutor’s office sa Cabanatuan City.