Calendar

P200M kontrata sa gobyerno bahagi ng demolition job vs PCO chief
FAKE news ang lumabas na balita na nakuha ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Jay Ruiz ang mahigit P200 milyong government contract.
Ayon kay Ruiz, bahagi lamang ng demolition job ang balita.
Sinabi pa ni Ruiz na nagsilbi lamang siyang “authorized representative” ng Digital 8 Inc. nang makipag-negosasyon sa P206-million deal sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa airing ng lotto draws sa state-run IBC 13.
Binigyang diin pa ni Ruiz na naselyuhan ang kontrata bago pa man siya naitalagang kalihim ng PCO.
Sabi ni Ruiz, hindi niya pag-aari ang kompanya at nagbitiw na noong Enero 2025.
Nanumpa sa tungkulin si Ruiz bilang PCO Secretary noong Pebrero 24.
“’Yung Digital 8, hindi akin ‘yan. I’m not the owner, I’m not a stockholder. Naimbitahan lang ako para mag-represent sa company kasi siyempre kahit papano may pangalan naman tayo and they want some status for their spokesperson. Authorized representative ang tawag,” pahayag ni Ruiz.
Wala aniyang basehan ang valita at malinaw na fake news ito.
“Wala pa ko sa gobyerno noon. Since hindi akin ‘yan, the accusations, walang katotohanan. Ayoko sana patulan kasi fake news eh,” pahayag ni Ruiz.
Nadismaya rin si Ruiz sa mga dating kasamahan sa media dahil hindi muna benirepika ang balita.
Dahil aniya sa fake news, napilitan na si Ruiz na kumuha ng apat na security personnel para sa kaligtasan ng kanyang pamilya.
Bukod dito, sinabi ni Ruiz na pinakaapektado ang kanyang anak dahil nabu-bully na sa eskwelahan.
“Eight days pa lang ako. I’m trying to reform the office. Pang-apat na PCO secretary ako. Eighth day pa lang madami nang sinasaksak sa akin, lumutang pa lang ang pangalan ko kung anu-ano nang paninira ang lumalabas,” pahayag ni Ruiz.