Cagayan

P325 milyong ayuda ibinigay ni PBBM sa mga bagyo sa Cagayan Valley

Chona Yu Nov 23, 2024
36 Views

AABOT sa P325 milyong ayuda ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga magsasaka at mangingisda na biktima ng bagyo sa Cagayan Valley region.

Sa naturang halaga, tig P10,000 ang ibinigay ni Pangulong Marcos sa may 1,500 benepisyaryo sa Isabela.

Aabot sa tig-P10 milyon ang ibinigay ni Pangulong Marcos sa local government ng Tuguegarao City at 20 typhoon-affected municipalities sa Cagayan.

Binigyan din ni Pangulong Marcos ng tig P50 milyon ang provincial government ng Quirino at Isabela.

Pangako ni Pangulong Marcos, aayudahan ang Cagayan hanggang sa makabangong muli.

“Matapos dumaan ang anim na bagyo simula noong katapusan ng Oktubre—wala pang apat na linggo, anim ang dumaan sa atin—batid po ng pamahalaan ang matinding dusa na naranasan ninyo at ang hirap sa pagbangon mula sa mga nasira hindi lamang nga imprastruktura kundi ang hanapbuhay, lalo na ng ating mga magsasaka at mangingisda. Ang inyong pamahalaan ay laging namang handa na tumulong at samahan kayong makabangon,” pahayag ni Pangulong Marcos sa pamamahagi ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) sa Ilagan City Community Center.

“Bago pa lang dumating ang bagyo at sa mga araw at linggo pagkaalis nito, nakaalalay na ang inyong mga lokal na pamahalaan at mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno para mailigtas kayo sa kapahamakan at manumbalik agad ang inyong pamumuhay,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos palalakasin pa ang flood control mitigation structures, irrigation systems, at rehabilitation initiatives para sa major river basins at dams sa lugar.

“Sa kasalukuyan, pinag-aaralan na natin [ang] mga master plans para sa major river basins sa bansa, gaya ng Cagayan River Basin. Sinisimulan na rin po ang pagsasaayos ng Magat Dam,”pahayag ni Pangulong Marcos.

“Kasalukuyan din po ang pagpapatayo ng iba pang flood control structures katulad ng Tumauini River Multipurpose Project. Hindi lamang ito flood control po ito, ito rin po ay makakatulong sa patubig ng mga pananim ng ating mga magsasaka,” dagdag ng Pangulo.

Inatasan ni Pangulong Marcos ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.A bilisan ang rehabilitasyon sa lugar.

“Saludo ako sa inyong lakas, tibay, at tapang. Kaya muli, tanggapin ninyo ang aking taos-pusong pasasalamat. Dahil diyan, kasama sa aking bilin sa DSWD, at ilan pang mga ahensya ng gobyerno na tiyakin naaasikaso at naaalagaan din ang kapakanan ng ating mga first responders,” pahayag ni Pangulong Marcos.