Calendar
P35M ayuda sa nasunugan sa Palawan agad ipinag-utos ni Speaker Romualdez
AGAD inendorso ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglalabas ng tulong para sa mga biktima ng sunog sa Puerto Princesa, Palawan.
Si Romualdez ang tumatayong caretaker ng congressional district ng namayapang si Palawan Rep. Edward Hagedorn.
Umaga ng Miyerkules (Pebrero 7) nang sumiklab ang sunog sa Barangay Pagkakaisa at Barangay Bagong Silang, na tumupok sa higit 450 kabahayan at nakaapekto sa may 920 pamilya.
Inihahanda na rin ng tanggapan ng House Speaker at Tingog Party-list ang nasa 3,500 na food packs para sa mga nasunugan na mula sa personal calamity assistance fund ng House Speaker at Tingog party-list
Inihahanda na ng City Social Welfare Development (CSWD) ang listahan ng mga naapektuhan ng sunog.
Batid ang pangangailangan ng kagyat na tugon, agad inendorso ni Speaker Romualdez ang alokasyon ng tulong mula sa 2024 General Appropriations Act.
Kabilang dito ang tig-P10,000 halaga ng ayuda kada apektadong pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa at pamilya Hagedorn ang nakipag-ugnayan para sa hinihinging tulong.
Siniguro naman ni Speaker Romualdez na tutulong ang pamahalaan sa mga biktima at nangako na aagapay sa kanilang pagbangon.
“We are deeply saddened by the tragedy that has befallen the residents of Barangay. Pagkakaisa and Barangay Bagong Silang. In these trying times, it is imperative that we come together as a nation to support our fellow Filipinos. The provision of financial assistance is a crucial step in our concerted efforts to aid in their recovery,” saad ni Speaker Romualdez.
Ang tanggapan ng House Speaker, katuwang ang DSWD at iba pang ahensya ay tinatrabaho ang mabilis na pagpapaabot ng ayuda.
Nakikipag-ugnayan din sila sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa para masiguro na lahat ng kailangang suporta ay maipapaabot sa tamang oras at sa lalong madaling panahon.
Nagpasalamat naman ang tanggapan ng Speaker sa lahat ng tumulong at nag-ambag sa relief efforts at nanawagan na patuloy na tulungan ang mga apektadong pamilya.