Poe

Pabilisin ang mga dokumento para sa “first-time” job seeker — Poe

254 Views

NANAWAGAN si Sen. Grace Poe sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na huwag nang patagalin ang pagpapalabas ng mga dokumentong dapat libreng ibigay sa mga naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon.

Ipinaliwanag ni Poe na alinsunod sa Republic Act 11261 o ang First-Time Jobseekers Assistance Act na kanyang inakda at inisponsor, mandato ng mga ahensya ng pamahalaan na hindi na maningil para sa mga dokumentong kailangan nila para makakuha ng trabaho.

“Dapat nating ibigay ang lahat ng suporta sa bawat Pilipinong naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon,” pahayag ni Poe.

Binigyang-diin ng senador na dapat libre na para sa “first-time jobseekers” ang National Bureau of Investigation, police at barangay clearances; birth certificate; tax identification number; unified multi-purpose identification card; transcript of records mula sa state universities at colleges; at iba pang dokumentong mula sa gobyerno na hinihingi ng mga employer sa mga aplikante.

“Hindi natin dapat palampasin ang pagkakataong tulungan silang magsimula ng karera at iangat ang buhay ng kanilang pamilya,” dagdag ni Poe.

Sa kanyang mensahe sa 78th commencement exercises ng University of Batangas sa Batangas City, hinimok ni Poe ang mga nagsipagtapos na gamitin ang benepisyo ng nasabing batas para mabawasan ang kanilang gastusin sa paghahanap ng trabaho.

“Ang pinagsama-samang gastusin sa mga dokumentong ito ay nagiging hadlang sa pagkakaroon ng trabaho,” diin ni Poe.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na dahil sa mabigat na gastos sa edukasyon, maraming pamilya ang lubog na sa utang. Ang anumang dagdag na bayarin para sa mga dokumento ay pahirap.

Sa ilalim ng batas, kailangang magpakita ang nais magbenepisyo sa ilalim ng batas ng barangay certification, na dapat libre ring makuha, na nagdedeklarang ang aplikante ay “first-time jobseeker.

Ang sinumang kawani ng pamahalaan na hindi tatalima sa batas ay papatawan ng administratibo at iba pang pagdisiplina, habang ang sinumang magpapalsipika ng mga dokumento ay papanagutin naman sa ilalim ng Revised Penal Code.

Hindi naman kasama sa mga libreng dokumento ang driver’s licenses, passport authentication at red ribbon ng mga dokumento mula sa Department of Foreign Affairs, at bayarin para sa Professional Regulation Commission at civil service examinations.

Ang mga benepisyaryo ng Jobstart program sa ilalim ng Republic Act 10869 at iba pang batas na may kahalintulad na exemptions para sa mga dokumento at transaksyon ay hindi na kwalipikado sa benepisyo ng First-Time Jobseekers Assistance Act.

“Maaaring isang dokumento na lamang ang kinakailangan para makumpleto ang isang aplikasyon sa trabaho. Maaaring malayo ang marating ng libreng pagbibigay nito sa isang aplikante,” diin ni Poe.