Cabanatuan RAID–Sina NBI Director Jaime Santiago at BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa isinagawang raid sa pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Brgy. Cinco-Cinco sa Cabanatuan City noong Huwebes. Kuha ni Steve Gosuico

Pabrika ng pekeng yosi sa Cabanatuan sinalakay ng BI, BIR

Steve A. Gosuico Oct 18, 2024
127 Views

CABANATUAN CITY–Sinalakay ng mga ahente ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Bureau of Investigation (BIR) noong Huwebes ang pagawaan ng umano’y pekeng sigarilyo dito at naaresto ang 15 Chinese nationals at 100 Pinoy workers kasabay ng pagkakasamsam ng daang milyong piso halaga ng smuggled na mga yosi.

Pinangunahan ang pagsalakay nina BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. at NBI director Jaime Santiago sa isang tagong lugar sa Felipe Vergara Highway sa likod ng J-Cob’s Fuel Station sa Brgy. Cinco-Cinco.

Natuklasan ng mga otoridad na ang business name ng gas station at ng Wifi-connection ng pabrika ng pekeng yosi nakarehistro sa isang tao at pangalan.

Nasamsam sa raid ang limang cigarette-making machines, mga raw materials at finished products ng pekeng local at imported na sigarilyo na nagkakahalaga ng daang milyong piso.

Kabilang sa nasamsam ang mahigit 500,000 piraso ng pekeng BIR stamps.

Aabot sa 300,000 pakete ng pekeng sigarilyo ang nasamsam at kung kukwentahin ang tax liability sa excise tax na babayaran, aabot ito sa P600 million, ayon kay Lumagui.

Ayon kay Santiago, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng tip ng tungkol sa iligal na operasyon ng pekeng sigarilyo sa lugar.

Sa halip na kumuha ang NBI ng search warrant, nakipag-coordinate sila sa BIR para isagawa ang raid.

Nabatid din na mahigit isang buwan nang nag-ooperate ang fake cigarette factory at ang mga makina gamit dito kanyang gumawa ng 2,500 sticks ng yosi bawat minuto.

Dagdag ni Santiago ang identities ng mga Chinese nationals na nahuli sa operasyon kasalukuyan pang pinoproseso.