Pacquiao7

Pacquiao, nangakong tuloy ang laban para sa mahihirap sa pagbalik sa Senado

Edd Reyes Apr 24, 2025
9 Views

BINASAG ni Boxing legend at Senatorial bet Manny Pacquiao ang kanyang pananahimik nitong matapos ilabas ang pinakabagong pambansang survey na nagpapakita ng kanyang pagpasok sa “Magic 12″ para sa 2025 Midterm – elections .

Sa panayam ng mga mamahayag, nagpasalamat si Pacquiao sa patuloy na tiwala ng mga Pilipino.

“Lubos akong nagpapasalamat at kasama tayo sa magic 12 at sa suportang ipinakita sa survey. Malaking bagay para sa akin na patuloy pa ring naniniwala ang ating mga kababayan sa aking kakayahang maglingkod,” ani Pacquiao.

Binanggit din ni Pacquiao na hindi niya binabalewala ang maagang resulta ng survey kaya plano niyang samantalahin ang mga natitirang araw ng kampanya para ihatid ang kaniyang mensahe makipag-ugnayan sa mga komunidad, pakikinig sa mga hinaing, at pagbabalangkas ng isang batas na nakatuon sa kahirapan, pagpapaunlad ng sports, libreng edukasyon sa mga kabataan, abot-kayang healthcare at libreng pabahay sa maralita.

“Alam ko na ang mga survey ay pansamantalang larawan lamang. Ang tunay na mahalaga ay ipakita sa tao na seryoso ako sa pagtulong, hindi lang puro salita.”

Naniniwala si Pacquiao sa malinaw na mga polisiya na nais niyang gawin ang aakit sa mga botanteng naghahanap ng konkretong plataporma at hindi lang kasikatan.

“Galing ako sa wala, at hindi ko kailanman malilimutan kung saan ako nagmula. Ang laban ko ay para sa mahihirap. Naranasan ko ang kanilang mga hirap, nais kong muli silang bigyang boses sa Senado, mas malakas, mas malinaw, at mas nakatutok.”dagdag pa ni Pacquiao

“Para sa mga patuloy na naniniwala sa akin salamat po. Para sa mga nagdududa, mas lalo po akong magsusumikap upang makuha ang inyong tiwala. Sa tulong ng Diyos. Lalaban po tayo hanggang sa huling round ng kampanya at gusto ko ko marinig nyo po ang aking mensahe at plano.” sabi pa niya.