Calendar

Pag-asikaso sa ama hindi maaaring dahilan para VP Sara makalibre sa pananagutan
NAIINTINDIHAN ni House impeachment prosecutor Rep. Lorenz Defensor ng Iloilo ang pangangailangan na asikasuhin ni Vice President Sara Duterte ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.
Pero hindi umano ito dahilan, ani Defensor, upang malibre na ang Bise Presidente sa mga akusasyon sa kanya sa inihaing impeachment case at tumugon sa mga summons kaugnay nito.
“Being the Vice President, while you have a father to take care, you also have a nation to look after and a nation you have to see that you are accountable for your actions,” ani Defensor sa panayam ng Radyo 630.
“Tandaan natin hindi kaso ng ICC ito, ang kalagayan ng dating Pangulong Duterte, pero kaso mismo ito ng mga sarili niyang kababayan na naging biktima ng drug war. At kaso ito hindi ng isang simple homicide, hindi simpleng murder. This is a case of crimes against humanity, laban sa sangkatauhan,” sabi pa nito.
“Kaya naiintindihan natin ang dinaranas ng ating bansa. But we do not abandon our duties and responsibilities especially our accountability as the sitting Vice President,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan ni Defensor si VP Duterte na mayroon siyang pagkakataon para depensahan ang kaniyang sarili mula sa reklamong impeachment sa Senate Impeachment Court na walang kinikilingan, bagay na hindi nagawang gawin ng mga biktima ng madugong giyera kontra iligal na droga ng kanyang ama noong panahon ng pamumuno nito.
Kaparehong pagkakataon din aniya ang ibibigay ng ICC para sa kaniyang ama, saad ng mambabatas.
“Talagang lahat ng mga pamilya na involved sa nangyayari sa ating bansa ay nakakaranas ng kahirapan. Pero tandaan din natin na ang mga pamilya na naging biktima ng drug war lalo’t lalo na ‘yung mga walang kasalanan ay nakalagay din sa sitwasyon na mas malala,” aniya.
“In fact, wala silang due process. Maraming namatay na walang tsansang makapagpaliwanag sa isang korteng patas at sigurado akong ‘di hamak mas patas ang korteng ikinaharapan o kinalalagyan ng ating dating pangulo,” wika pa ng kongresista.
Naghain ng mosyon ang House prosecution team noong Martes at hiniling kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na pasagutin si VP Duterte sa inihaing Articles of Impeachment laban sa kanya ng Kamara de Representantes noong Pebrero 5.
Naniniwala ang mga prosekutor na maaaring sumagot ang bise presidente sa pamamagitan ng kaniyang abogado nang hindi kinakailangang umuwi sa bansa.
Gayunman, mas maigi na kapag nagsimula na ang paglilitis ay bumalik na umano ang bise presidente sa Pilipinas.
Kasalukuyang nasa Netherlands ang pangalawang pangulo at inaasikaso ang pagbuo sa legal team ng kanyang ama. Isang Briton ang kaniyang napili na maging lead counsel.