Calendar
Pag-imbita sa sinibak na PDEA agent sa pagdinig ng Senado ipinagtaka
NAGTAKA ang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs sa pag-imbita ng Senado sa isang sinibak na ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagdinig kaugnay ng P9.68 bilyong halaga ng shabu na nahuli sa isang checkpoint sa Alitagtag, Batangas noong Abril 15.
Sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na hindi nito alam kung bakit nailistang resource person si Jonathan Morales, na ngayon ay nag-aanyong anti-drug crusader sa ilalim ng grupong “Anti-Drug Advocate Laban ng Pamilyang Pilipino Center for Investigative Regulatory Compliance” gayong matagal na itong sinibak sa PDEA.
“The Senate hearing was supposed to be an inquiry on the seizure of 1.4 tons of shabu in Batangas. I’m surprised, and many of us are wondering, why Morales would appear and be included as resource person in that hearing. Is there something, a drama maybe, that is unfolding on this issue?” tanong ni Barbers.
Sinabi ni Barbers na kuwestyunable ang kredibilidad at nakaraan ni Morales na sinibak din sa pagkapulis. Si Morales ang sinasabing nasa likod ng “PDEA Leaks” na nag-uugnay sa mga celebrity at opisyal ng gobyerno sa iligal na droga.
“Base sa mga ulat, si Morales ay na-dismiss sa police service bago pa sya nag-apply as PDEA agent. Sa pinirmahan nya na Personal Data Sheet sa PDEA, sinabi nya umano na wala, pero meron pala, syang kaso sa PNP bago sya nag-apply sa PDEA,” ani Barbers.
“Nuong nakalusot na sya sa PDEA, naakusahan naman siya later ng kanyang mga superiors at kasamahan mismo sa PDEA na umano’y sangkot sa pilipit na pag-aresto at P8 million extortion sa isang suspected Tsinoy drug lord na kinilala na si Mark Tan ng Binono, Manila,” dagdag pa nito.
Maging ang dating superior ni Morales na si dating PDEA chief Arturo Cacdac ay ikinadismaya umano ang hindi nito pagiging tapat nang sabihin sa imbestigasyon na siya ay inutusan na magtanim ng ebidensya at gumawa ng ebidensya para sa isang shabu laboratory sa San Fernando, Pampanga.
Sa panayam kay Cacdac noong 2013, sinabi ni Morales sa isang pagdinig na ang ebidensya ay itinanim pero sa affidavit of arrest umano nito ay sinabi niya na isa itong buy-bust operation.
Si Morales ay sinibak sa PDEA noong 2013 dahil sa “grave misconduct, dishonesty, and conduct prejudicial to the best interest of the service.”
Noong nakaraang buwan, muling lumutang si Morales upang patunayan ang isang misleading PDEA operational documents – Authority to Operate and Pre-Operation Report na may petsang Marso 11, 2012, na nag-uugnay kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.
Pero pinasinungalingan ito ni PDEA chief Virgilio Moro Lazo ang sinabi ni Morales at iginiit na walang rekord sa Plans and Operations Reports Management Information System o PORMIS ang naturang operasyon.
“A critical feature of PORMIS is that one cannot insert or tamper with recorded operations. All pre-operation documents are serialized and recorded in this database. This ensures the system’s integrity and negates any doubt on the data the system contains,” sabi ni Lazo.
“In an age where Artificial Intelligence can generate realistic fake videos, spurious documents and fantastic claims at having ‘insider information’, the public is cautioned to be more careful in believing such fake news,” dagdag pa nito.