Calendar

Pag-invoke ng executive privilege nasa Konstitusyon
ANG desisyon ng ilang opisyal ng Gabinete na gamitin ang executive privilege sa hindi pagdalo sa pagdinig sa Senado kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay ng kasong kinakaharap nito sa International Criminal Court (ICC) ay legal at naaayon sa Konstitusyon.
“Well, klarong-klaro po nasa…Konstitusyon ang pag-invoke po ng executive privilege. (Ito) ay isa po sa mga nasa loob po ng kapangyarihan ng Ehekutibo,” ani House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, chairman ng House committee on overseas workers affairs.
Ilang opisyal ng Gabinete ang hindi dumalo sa pagdinig ng komite na pinangungunahan ni Sen. Imee Marcos kaugnay sa pag-aresto kay Duterte, kung saan ginamit ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang executive privilege bilang dahilan ng hindi pagsipot sa imbestigasyon.
“Nirerespeto po natin ‘yan, hindi lang ho ngayong panahon ni Presidente Marcos ngunit sa mga nauna na hong presidente. Kahit dating Pangulong Duterte nagkaroon na ng pagkakataon dati na pinigilan niya ang kanyang mga Gabinete, miyembro ng Gabinete at mga opisyales ng Ehekutibo na humarap sa Senado,” ayon kay Acidre.
Binigyang-diin niya na ang paggamit ng privilege na ito ay hindi bago at hindi kontrobersyal, at ginawa na ng mga nakaraang administrasyon.
“Iyan po ay nararapat at ginagalang ho natin ang pananaw ng ating Ehekutibo ng ating Presidente at Malacañang,” ayon pa sa kongresista.
Tinukoy din ni Acidre ang kasanayan ng Kamara sa pagrespeto sa interparliamentary courtesy.
“Siguro ang tanungin na lang ho natin sana ho hindi makalimot ang Senado na kahit sa House ho, ginalang din ho natin ang interparliamentary courtesy sa mga kasamahan po sa Senado na nasasangkot sana katulad po ni Senator Bato (Dela Rosa), sa kadahilanan ho ng war on drugs, siya po ang PNP chief,” saad pa ni Acidre.
“Maganda sana kung humarap din siya sa Quad Comm at sa mga pagdinig sa House of Representatives. Pero sa kadahilanan ho ng parliamentary inter-chamber courtesy, hindi ho natin in-insist po ‘yon at ginalang po natin ang kanyang katayuan bilang isang senador,” dagdag pa niya.
Nag-aalala naman si Acidre na tila hindi pa handang magbigay ng parehong respeto ang Senado sa kasalukuyan.
“Mahirap naman po na sila naman sa pagkakataon ngayon ang ibabalewala o ‘di kaya e mamasamain ang pag-invoke ng isang coequal branch ng executive privilege,” aniya.
Ipinahayag ni Sen. Marcos ang kanyang pagkadismaya sa hindi pagsipot ng mga mataas na opisyal at nagtanong kung sila ba ay natatakot lamang dumalo. Sa kabila nito, sinabi ng komite ng Senado na magpapatuloy sila sa mga pagdinig.
Ang imbestigasyon ay nakatuon sa aresto at pagkakakulong ni Duterte sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng mga kasong isinampa sa ICC.
Ang hindi pagdalo ng mga opisyal ng Gabinete ay nagbigay-daan sa mga debate hinggil sa saklaw at limitasyon ng executive privilege.
Nanindigan si Acidre na ang mga coequal na sangay ng gobyerno ay kailangang magbigay-galang sa mga hangganan ng isa’t isa batay sa Konstitusyon.
“Sa kaso ng House, noong nirespeto po namin ang interparliamentary courtesy sana gayundin po, ang igalang ng Senado ang Ehekutibo,” dagdag pa nito.