Gonzales

Pagbaha ng lobby money kapag natuloy Charter reform pananakot lang

131 Views

BINALEWALA ni House Deputy Leader at Mandaluyong Rep. Neptali “Boyet” Gonzales ang pangamba na babaha ng lobby money sa Kongreso kapag natuloy ang pag-amyenda sa economic provision ng 1987 Constitution.

“[Ang sabi] if you give the legislative power to Congress to change the proportion of ownership as provided for by the Constitution, masa-subject daw kami sa mga magla-lobby. Sa akin, pananakot lang ‘yan eh,” sagot ni Gonzales sa tanong kaugnay ng sinabi ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares sa isang press conference.

Sa deliberasyon noong Martes, nagbabala si Colmenares na ang mga panukalang pagbabago, ay magiging dahilan na maging lumakas ang kapangyarihan ng Kongreso na siyang magtatakda ng limitasyon sa pamumuhunan ng mga dayuhang negosyante sa bansa.

Inihayag ni Colmenares ang pangamba nito sa pagtalakay ng House Committee of the Whole sa Resolution on Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, na naglalayong amyendahan ang ilang mga probisyong pang-ekonomiya sa pamamagitan ng paglalagay ng salitang “unless otherwise provided by law,” sa 37-taon ng Saligang Batas.

Ilan sa pangunahing panukala sa repormang pang ekonomiya ang 60-40 rule ng foreign ownership ng mga kompanya sa bansa na isa sa nakikitang dahilan kung bakit kokonti ang foreign direct investment sa bansa kumpara sa mga karatig bansa ng Pilipinas.

Sinabi naman ni South Cotabato 2nd District Rep. Peter Miguel na wala itong nakikitang problema sa panukala na masingit ng “unless otherwise provided by law” economic constitutional provisions.

Iginiit pa ni Miguel na ang pagdaragdag ng mga salitang ito ang kinakailangan ng Kongreso upang mas madaling makagawa ng kinakailangang pagbabago ang Kongreso.

“Yung phrase na ‘unless otherwise provided by law’ sa tingin ko perfect po ‘yan na phrase, in fact. Dahil in the context of globalization, kailangan natin ang Congress may leeway, kahit paano may legroom to make laws that are adaptable to changes that are more competitive,” ayon kay Miguel.

“So ‘pag may ‘unless otherwise provided by law,’ we’re giving the Congress a more exhaustive, deliberative, detailed manner of creating a law that would be suited for global competition,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinang-ayunan naman ni Gonzales ang punto ni Miguel, at iginiit na kinakailangang nagbabago ang batas, upang makatugon sa kasalukuyang kalagayan at pangangailangan ng bansa.

Sinabi naman ni Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Miguel Almario, na ang idaragdag na salita ang magbibigay sa mga Pilipino ng kakayahan para mapalago ang dayuhang pamumuhunan na pumapasok sa bansa.

Sa kabila ng sinasabing pananakot, binigyan diin ni Almario ang malaking potensyal nito na tugunan ang mga partikular na pangangailangan at serbisyo na kailangan ng direktang pamumuhunan ng mga dayuhan, na makatulong sa pagpabuti ng kalagayan at kondisyon ng bansa.

“We can rely on the ‘otherwise provided by law’ to further enhance, to further tailor fit the needs of the country,” dagdag pa ng mambabatas.

Idinagdag pa ni ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Ray Reyes na ang idaragdag na kataga ay magbibigay ng kakayahang mag-adjust at umangkop sa proseso ng paggawa ng batas.

“By establishing these qualities, we’re setting up a framework for future Congresses to adjust according to the needs of the times,” ayon pa sa kongresista.

“We couldn’t waste this opportunity,” dagdag pa Reyes, na naniwalang dapat samantalahin ang pagkakataon na maipatupad ang mga pagbabago sa Saligang Batas.