Kambing

Pagbawal sa pag-angkat ng kambing mula US tinanggal na

Cory Martinez Oct 11, 2024
45 Views

BINAWI na ng Department of Agriculture (DA) ang temporary ban sa pag-aangkat ng buhay na kambing mula sa Estados Unidos.

Base sa Memorandum Order 43 ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., binawi ang import ban matapos maberipika ng World Organization for Animal Health (WOAH) sa pamamagitan ng World Organization Health Information System nito na wala ng kaso ng Q Fever sa Amerika.

Ipinatupad ang import ban noong Hunyo matapos ma-detect ang Coxiella burnetii, isang bacteria na nagiging sanhi ng Q fever, sa mga kambing na inaangkat mula sa Estados Unidos.

Mahigit na limang dosena ng kambing na nagkasakit ng Q fever ang kinatay ng Bureau of Animal Industry (BAI) upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na maaaring makahawa sa tupa at baka.

Nagpatupad na rin ang BAI ng mahigpit na pamantayan upang mapigilan ang pagkalat pa ng nakakahawang sakit sa mga hayop at tao. Isang zoonotic disease ang Q fever na maaaring ilipat ng hayop na nahawa nito sa mga tao.

Ayon kay Tiu Laurel, ang paniniyak ng mga health official na hindi na major public health threat ang Q fever ang isa pang naging batayan para i-lift ng import ban sa pag-aangkat ng mga buhay na kambing.

“The Department of Health has assured the public that animal-to-human transmission is rare and that the infection can be readily treated with antibiotics that are locally and widely available,” ani Tiu Laurel.

Binigyang-diin din ng kalihim na naging epektibo ang pagpigil sa pagkalat ng naturang sakit dahil sa maigting na pre-border measures na ipinatupad ng BAI.