NACC Source: National Authority for Child Care

Pagbebenta ng mga sanggol sa social media kinondena

Cory Martinez May 20, 2025
69 Views

MARIING kinondena ng National Authority for Child Care (NACC) ang lantarang bentahan ng mga sanggol sa social media na nagpapakita ng kawalan ng respeto sa karapatan at dignidad ng mga biktima.

Ginawa ang pagkondena matapos na personal na masaksihan ni NACC Undersecretary Janelle Ejercito Estrada ang tangkang pagbebenta sa isang 7-day old na sanggol sa social media noong Mayo 13.

Ayon sa NACC, limang suspek kabilang ang dalawang minor ang nagtangkang ibenta ang naturang sanggol sa halagang P75,000.

Na-rescue ng mga tauhan ng Philippine National Police Women and Child Protection Center, Luzon Field Unit ang naturang sanggol.

“We at the NACC strongly condemn this crime. No one should ever consider selling a child. Children are vulnerable and cannot defend themselves, and they are not to blame for their difficult circumstances. This must stop,” ani Ejercito-Estrada.

Sa huling tala nitong Abril 29, 2025, mayroon na lamang na 13 na social media group na sangkot sa online baby selling, mula 23 na grupo noong Pebrero 2024.

Sinabi pa ng NACC, malimit na nagpapalit ng pangalan ang mga grupong ito upang hindi mahuli.

“We have worked with law enforcement agencies like the DSWD, NBI, PNP, and DICT-CICC. So far, nine victims have been rescued, and fourteen perpetrators have been caught. The fight against online baby selling must continue,” dagdag ng opisyal.

Hinikayat naman ni Ejercito-Estrada ang publiko na maging alerto at tumulong sa pagsawata sa ilegal na aktibidad na ito.

“Selling or buying children online is a serious crime. We must protect our children from these dangers. Online baby selling and child exploitation go against Filipino values of caring for and nurturing our youth. How we respond to these problems shows what kind of nation we are,” diin ni Ejercito-Estrada.

Pinangako naman ni Ejercito-Estrada na sa ilalim ng kanyang pamumuno, magtatrabaho nang lubos ang NACC upang matigil ang illegal adoption at child exploitation.

“It is irresponsible to suggest that illegal adoption is easier than following the legal process. There is no reason for parents to use illegal means to adopt a child. We have made adoption processes faster and less costly through the NACC,” anang opisyal.

“Lubos po akong umaasa na tuluyan na nating wakasan ang online baby selling. Wala itong puwang sa isang bayang malaya, makatarungan, at maka-Diyos. Protektahan natin ang Kabataang Pilipino,” ani Ejercito-Estrada.