Calendar
Pagbenta ng luxury cars ng mga Discaya malaking tulong sa gobyerno
MAGANDANG araw sa lahat ng ating mambabasa.
Sana ay nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Mabuhay kayong lahat!
Binabati rin natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Roana San Jose, Yoshiko Katsumata, Tata Yap Yamazaki, Mama Aki , La Dy Pinky, Endo Yumi, Lorna Pangan Tadokoro, Winger dela Cruz, , Hiroki Hayashi, at kay Hiroshi Katsumata.
Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman.
(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)
***
Ibang-iba talaga kung kumilos ang mga masisipag na opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na pinamumunuan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Mas mabilis pa daw yata sila sa “bullet train” ng Japan, ayon sa ilang observers sa dating “snake-infested” na waterfront sa Port Area, Manila.
Hindi lang sila mabilis kumilos, kundi MAY RESULTA PA na makatutulong ng malaki sa revenue collection efforts ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Akalain mo ba namang naibenta kaagad ng BOC sa pamamagitan ng public auction ang lima sa pitong luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Dizcaya?
Ang pitong imported luxury vehicles ay napatunayang walang import entry records at dokumentong magpapatunay na ang mga ito ay ipinagbayad ng buwis sa gobyerno.
Ang halaga ng napagbilhan sa limang sasakyan ay umabot ng P47.7 milyon, ayon sa record ng BOC na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF).
Dalawa na lang ang hindi pa nabibili dahil siguro sa kataasan ng presyo ng mga ito.
Ito ang Rolls Royce Cullinan na nagkakahalaga ng P36.2 milyon at Bentley Bentayga na may floor price na P13.8 milyon.
Ayaw namang sirain ng BOC ang dalawa pang natitirang luxury cars dahil sayang naman daw ang kikitain ng gobyerno.
Tama naman ang desisyon ng liderato ng ahensya dahil malaking tulong sa gobyerno kung maibenbenta ang mga ito.
Kailangan ng gobyerno ang malaking pera para mapondohan ang mga socio-economic projects ng Marcos administration.
At ikinatutuwa ng taumbayan ang ginagawa ng BOC na pagsubasta sa mga luxury cars ng pamilya Discaya na nahaharap ngayon ng patung-patong na kaso dahil sa tinatawag na “anomalous flood control projects.”
Sa totoo lang , naghihintay pa ang taumbayan kung sinu-sino ang makukulong sa mga taong sangkot sa mga ” ghost projects.”
At hindi “peanuts” ang P47.7 milyon na pumasok sa kaban ng bayan bunga ng pagsubasta sa mga luxury cars ng mag-asawang Discaya.
Bilib tayo sa mabilis na desisyon ng pamunuan ng BOC na ipagbili na sa public auction ang mga puslit na luxury cars.
Sana, maisubasta na rin ang lahat ng mga abandonado at kumpiskadong shipments na nakaimbak sa mga bodega sa iba’t-ibang parte ng bansa.
Kailangang madispatsa na ang mga ito para maging dagdag sa revenue collection ng ahensya sa taong ito.
Ang mga puwede pang pakinabangang produkto ay ipamigay na sa Department of Social and Welfare and Development (DSWD) “for distribution to typhoon victims in evacuation centers.”
Tama ba, Commissioner Ariel F. Nepomuceno at Finance Secretary Frederick Go?
***
Nagsimula na ang mga Christmas parties sa buong bansa.
Sana ingat tayo sa mga kinakain at iniinom natin sa mga Christmas parties dahil magastos ang magkasakit ngayon.
Baka kulang pa ang matatanggap ninyong bonus kapag naospital kayo dahil sa food poisoning.
Kung masobrahan ninyong kumain ng mga maaalat at mamantikang ulam, kagaya ng baboy, ay baka ma-high blood naman kayo niyan.
Kung puede lang ay magdala kayo ng mga gamot para sa high blood at pagtatae.
Mahalaga din na huwag na kayong magmaneho kung kayo ay nakainom ng alak. Delikado ‘yan!
Ang mabuti ay magsama kayo ng isang kamag-anak o kaibigan na hindi iinom ng alak para magmaneho pag-uwi niyo pagkatapos ng party.
Isa pa, mag-iwan ng bantay sa bahay kung pupunta ang pamilya sa isang Christmas party para hindi kayo mabiktima ng mga miyembro ng “Akyat Bahay Gang.”
At sana, round-the-clock ang gawing pagbabantay ng mga barangay tanod sa komunidad sa panahon ng Kapaskuhan.
Mag-ingat din sa mga online scammers na walang ginawa kundi mangbiktima ng mga kawawang kababayan natin.

