PCSO

Pagbibigay ng hustisya sa pamilya ng napaslang na ex-PCSO exec nararapat lang

76 Views

WELCOME kay Sen. Christopher ‘Bong’ Go ang plano ng Philippine National Police (PNP) na muling buksan ang imbestigasyon sa pagpatay sa dating opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Wesley Barayuga.

Sinabi ni Go na marapat lamang na mabigyan ng hustisya ang pamilya ni Barayuga, na dapat sana aniya ay noon pa nakuha ng mga ito.

Ayon kay Go, mabuti na ring maimbestigahang muli ang kaso upang mapanagot ang mga taong may kinalaman dito.

Nilinaw rin ni Go na wala siyang alam sa sinasabing motibo sa pagpatay kay Barayuga o sa anumang impormasyon na mayroon si dating PCSO Chair Anselmo Simeon Pinili ukol dito.

Giit niya, senador na siya noong panahong iyon at bilang Chair ng Senate Committee on Health ay nakatutok siya sa COVID-19 pandemic.

Tumutulong rin aniya siya sa administrasyong Duterte sa pagtugon sa mga suliranin ng bansa, at kapag may inilalapit sa kanyang mga isyu o report ay palagi niya itong inire-refer sa kaukulang opisina, ahensya o opisyal, lalo na kung hindi naman niya trabahong aksyunan ang mga iyon dahil bilang isang senador ay may sarili aniya siyang mandato.

Dagdag pa ni Go, hindi rin niya maaaring pakialaman ang proseso ng kapulisan tungkol sa insidente at sinabing, “That is why I take exception sa mga ibinabalita sa media na may alam ako sa motibo ng pagkamatay ng isang tao at wala raw akong ginawa. Please get your facts straight. Doon lang sana tayo sa totoo at tama.”

Anang senador, kilala na siya ng tao at mas nais aniya niyang magtrabaho at magserbisyo lamang sa kapwa niya mamamayang Pilipino.