Pagbibigay ng senior, PWD discount sa toll fee tiniyak sa Kamara

Mar Rodriguez Jan 24, 2024
307 Views

NAKAKUHA ng katiyakan ang Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na bibigyan ng 20 porsyentong diskwento sa toll fee ang mga senior citizens at persons with disabilities (PWD).

Ginawa ng kinatawan ng San Miguel Corp. (SMC) ang pagtitiyak sa pagdinig ng Committee on Ways and Means, Committee on Senior Citizens, at Special Committee on PWDs kaugnay ng implementasyon ng mga batas na nagbibigay ng diskwento at iba pang benepisyo sa senior citizens at PWDs bunsod ng apela ni Speaker Romualdez.

Nakakatanggap si Speaker Romualdez ng mga reklamo kaugnay ng mga business establishments na hindi umano nagbibigay ng benepisyong kaloob ng batas.

Ayon kay dating Public Works Undersecretary Rafael Yabut, ngayon ay lider ng infrastructure group ng SMC, suportado ng kanilang kompanya ang pagbibigay ng 20 porsyentong diskwento.

Makikipag-ugnayan umano sila sa Toll Regulatory Board (TRB) at iba pang ahensya ng gobyerno upang maplantsa ang pagbibigay ng diskwento sa toll fee.

Iminungkahi ni Albay Rep. Joey Salceda, ang nanguna sa pagdinig at chairperson ng ways and means committee na sa halip na bawasan ng 20 porsyento ang bayad sa pagpapa-load ng radio frequency identification (RFID) card na ginagamit sa expressway at skyway ay idagdag na lamang ito.

“In other words, it would be an add-on. If you buy P5,000, you get P6,000, or P1,000 more, which is equivalent to 20 percent. There is no loss on the part of the expressway/skyway operator,” paliwanag ni Salceda.

Upang makakuha ng diskwento, ang sasakyan ay dapat nakarehistro sa pangalan ng senior citizens at PWD.

Sumang-ayon naman si Yabut sa panukala ni Salceda. Nagpasalamat naman si Salceda sa pagsang-ayon ng SMC.

Ang SMC ang operator ng Metro Manila at Ninoy Aquino International Airport skyway system, South Luzon Expressway, Southern Tagalog Arterial Road, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway.

Ang North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac Expressway, Cavite-Laguna Expressway, Cavite Expressway, at NLEX-SLEX Connector ay ino-operate naman ng Metro Pacific Corp.

Walang dumating na kinatawan ang Metro Pacific sa pagdinig.

Tinanong din ng mga kongresista ginagawang pagsunod ng Philippine Airlines at Cebu Pacific sa pagbibigay ng diskwento.

Sinabi ng kanilang mga kinatawan na sa pagbili ng tiket sa kanilang website ay mayroong opsyon para makakuha ng diskwento.

Binasa ni Salceda ang mahabang listahan ng mga lumalabag sa batas kaugnay ng pagbibigay ng diskwento na kinabibialangan ng mga malalaking mall, drugstore, supermarket, food at transportation service providers.

Pinangalagan nito ang Food Panda at Grab na kabilang sa mga umano’y lumalabag.

Muli namang iimbitahan ang Goldilocks na hindi nagpadala ang kinatawan sa pagdinig, ayon kay Salceda. Ayon sa reklamo sa Goldilocks ang binibigyan lamang umano nito ng 20 porsyentong diskwento ay ang isang slice ng bawat cake na binibenta nito.

Noong nakaraang linggo ay inatras na ng Starbucks ang kanilang “one food item, one beverage” limit sa binibigyan ng 20 porsyentong diskwento. Humingi ng paumanhin ang Starbucks.