Hataman

Pagdeklara ng National Hijab Day isinusulong

Mar Rodriguez Aug 18, 2022
189 Views

MULING inihain ng isang Mindanao congressman ang panukalang batas na naglalayong ideklara bilang “National Hijab Day” ang pagsusuot ng “Hijab” upang magkaroon ng kaalaman ang publiko tungkol sa kahalagahan nito at mapuksa din ang diskriminasyon laban sa mga kababaihang Muslim na nagsusuot nito.

Ipinaliwanag ni Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman na ang “Hijab” ay isa sa mga símbolo ng pananampalataya para sa mga kababaihang Muslim. Subalit nakakalungkot lamang aniya na nagiging dahilan ang pagsusuot nito para magkaroon ng diskriminasyon.

Binigyang diin ni Hataman na may ilang indibiduwal na binabalahura at kinukutya ang mga kababaihang Muslim na nagsusuot ng Hijab kaya mahalaga na magkaroon ng isang malalim na pang-unawa ang publiko tungkol sa pagsusuot ng Hijab.

Sa ilalim ng panukalang batas (House Bill No. 3725) ni Hataman, ninanais nito na maideklara ang Pebrero 1 kada taon bilang “National Hijab Day” para magkaroon ng “public awareness” tungkol sa kahalagahan ng nasabing kasuotan para sa mga babaeng Muslim.

Sinabi pa ng Muslim solon na layunin din ng kaniyang panukala na matama ang mga maling paniniwala o “misconception” ng publiko patungkol sa pagsusuot ng Hijab.

Ayon kay Hataman, marami na umano siyang narinig na kuwento hinggil sa diskriminasyon laban sa mga nagsusuot ng Hijab. Kung saan ay pinatatanggal ang pagsusuot ng Hijab sa mga paaralan, ang iba ay hindi tinatanggap sa trabaho, hindi pinapasakay ng taxi at hindi inaasikaso sa mga pamilihan o mall.

“May mga pagkakataon pa na nagiging target pa sila ng karahasan ng dahil sa pagsusuot nila Hijab at dahil sa kanilang pagiging Muslim. Ito’y bahagi lamang ng mas malaking laban natin kontra diskriminasyon sa mga babaeng Muslim,” ayon kay Hataman.