Pagdepenssa sa WPS binigyang diin ni Kamala kay PBBM

Chona Yu Jan 15, 2025
12 Views

MAHALAGA na mapanatili ang matatag na suporta ng Amerika sa Pilipinas lalo na sa harap ng patuloy na pagiging agresibo at mapangahas na mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Sa phone call, sinabi ni US Vice President Kamala Harris kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mahalaga masiguro ang commitment sa depensa ng Pilipinas kabilang na sa South China Sea.

Muling binalikan ni Harris ang makasaysayang pagbisita nito sa bansa lalo na sa Palawan noong Nobyembre ng 2022 na nagbigay diin aniya sa pagiging vulnerable ng rehiyon.

Naging daan aniya ang pagbisitang ito para lumakas ang pagsuporta ni US President Joe Biden sa Pilipinas sa usapin ng seguridad at pag-unlad.

Tiniyak din ni Harris kay Pangulong Marcos na may bipartisan support sa loob ng US congress para sa mas malakas na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa usapin ng seguridad, maging sa punto ng people to people ties.

Sinabi naman ni Pangulong Marcos na marami na ang nagawa lalo na sa progreso o development sa relasyon ng Pilipinas at Amerika.

Napayabong na aniya ito nang husto sa harap ng mga hamon na kinakaharap sa Pilipinas ay sa South China Sea habang ang Amerika ay sa buong mundo at sa Indo-Pacific region.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na sa mga pakikipag-alyansa ng Pilipinas, ang nabuo nitong alyansa sa pagitan ng Amerika at Japan ang umani ng pagkilala sa loob ng ASEAN, na nagpatibay lalo aniya sa nagkakaisang posisyon sa mga isyu sa West Philippine Sea.

Kinilala ri ni Pangulong Marcos ang naging kontribusyon ni Harris sa Pilipinas, na nagbigay aniya ng malakas na pundayon para sa pagtutulungan ng dalawang bansa.