Paggamit ng RE, EVs isusulong ng Bataan

Christian Supnad Oct 27, 2024
59 Views

ISUSULONG ng Bataan ang paggamit ng renewable energy (RE), electric vehicles (EVs) at pagtatayo ng mga charging stations, ayon kay Congressman Abet Garcia.

Dumalo ang mambabatas at naging panauhin sa 12th Philippine Electric Vehicle Summit (PEVS) sa SMX Convention Center sa Lungsod ng Pasay.

Nag speech ang mambabatas na may temang “Spark Change, Drive Electric.”

“Ang PEVS isang malaking taunang eksibisyon ng electric vehicles (EVs) sa bansa kung saan nagsasama-sama ang mga stakeholders mula sa buong EV value chain na kinabibilangan ng mga mambabatas, regulators, academe, consultants, transport companies, power utilities at mga end-users upang makibahagi sa talakayan at pangmatagalang pagtutulungan upang itaguyod ang pagtanggap sa EV gayundin ang pagtatayo ng mga imprastruktura para sa EV charging stations,” paliwanag ng mambabatas.

Dalawang kompanya ang nag-propose kina Gov. Joet Garcia at Cong. Abet Garcia na magtatayo ng solar farm project sa Bataan.

Sumulat sina Architect Everly Guinto, president ng ESG Areva, at Gary Carl Froa, chairman ng Grun Architekten Gruppe, Inc. kina Gov Garcia at Cong. Garcia at sinabing desidido silang magpatayo ng solar power plant sa Bataan.

Nakikipag ugnayan na rin sila Guinto at Froa sa Department of Energy, NGCP, PENELCO at iba pang ahensiya ng pamahalaan para sa kanilang proyekto.

Sinabi ni Cong Garcia na layunin ng summit na maipakita ang latest advancements sa mga EV at iba pang kaugnay na teknolohiya at itaguyod ang transportasyong pinatatakbo gamit ang elektrisidad.

“Sa aking mensahe ibinahagi po natin ang mga isinasagawang inisyatibo sa ating lalawigan tungo sa isang mas malinis at napananatiling kalikasan.

Kabilang po dito ang paggamit ng renewable energy, electric vehicles at pagtatayo ng mga charging stations,” anang solon.

“Lubos po ang ating pasasalamat sa napakagandang oportunidad na maging bahagi ng ganitong makabuluhang gawain,” dagdag ng kongresista.