Dy1

Pagkakaloob ng benepisyo para sa mga bilanggong senior citizen kinatigan ni Dy

Mar Rodriguez Jan 7, 2025
15 Views

KINATIGAN ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A Dy. V ang inihirit ng kapwa nito kongresista sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapagkalooban ng nararapat na benepisyo ang mga bilanggong senior citizens.

Paliwanag ni Dy, Vice-Chairman ng House Committee on Tourism, na batay sa umiiral na batas, naangkop na mabigyan ng kaukulang benepisyo ang mga nasa edad na 60 pataas kaya pasok na pasok dito ang mga matatandang bilanggo.

Sabi pa ni Dy na sa pagpapatupad ng nasabing batas, mistulang hindi nakakasama dito ang mga matatandang PDL o Persons Deprived of Liberty kung saan hindi umano sila nabibigyan ng benepisyo na tinatamasa at napapakinabangan ng mga ordinaryong senior citizen.

Umaapela din ang kongresista sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Justice (DOJ) upang mapasama din ang mga senior citizen na PDL sa mga indigents senior”s pension kahit na ba sabihin na sila’y mga nakabilanggo.

Pagdidiin pa ni Dy na kahit nasa bilangguan ang mga PDL ay hindi naman aniya ito nangangahulugan na tinatanggalan na rin sila ng karapatan na matamasa ang benepisyong ipinagkakaloob sa mga ordinaryong senior citizen na nasa laya.

Sang-ayon din si Dy na ang mga elderly na PDL ay kuwalipikado sa mga benepisyo at programa ng lokal na pamahalaan na nakalaan para sa lahat ng mga senior citizen.