Romero1

Pagkakapasa ng Kongreso sa National Building Code, ikinagalak

Mar Rodriguez Aug 11, 2023
269 Views

IKINAGALAK ng Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party list Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang ginawang pagpasa o pag-apruba ng Kamara de Representantes sa House Bill No. 8500 o ang National Building Code na magbibigay proteksiyon sa publiko.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Romero, isa sa mga principal authors ng nasabing panukalang batas, na bunsod ng pagkakapasa ng House Bill No. 8500 magiging ligtas na aniya ang mga itinatayong building o gusali sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng bagong National Building Code.

Bukod dito, naniniwala si Romero na malaki din ang maitutulong at mai-aambag ng inaprubahang panukalang batas upang matiyak ang “food security” ng bansa. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas matibay na estraktura, building at gusali para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

“Largely due to climate change, our country is now frequently confronted with multiple hazards such as storms, fire, flooding, landslides and even earthquake. Our law and regulations on building construction need to be updated to safeguard life and property against these hazards,” ayon kay Romero.

Idinagdag pa ng Party List congressman na ang gagawing pagpapatibay sa mga farm structures na pinag-iimbakan ng mga supply ng pagkain sa ilalim ng New Building Code ay makatitiyak na hindi maaapektuhan ang food security ng bansa kahit pa dumating ang isang malakas na sakuna o kalamidad.

“Resilient and functionally sound buildings from the simplest to the specialized including farm structures to secure agricultural produce and help ensure food security must be in place,” sabi pa ng kongresista.

Sinabi naman ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na pakay ng inaprubahang panukalang batas na maprotektahan ang buhay at kaligtasan ng publiko mula sa anomang uri ng pinsala sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas ligtas na gusali at imprastraktura.