Quiboloy

‘Pagkakasangkot’ umano ni Quiboloy, SMNI sa pro-China propaganda ikinabahala

207 Views

IKINABABAHALA ng mga kongresista ang posibleng paggamit sa televangelist Apollo Quiboloy at Sonshine Media Network Inc. (SMNI) para ipakalat sa bansa ang pro-China propaganda kaugnay ng pinag-aagawang West Philippine Sea (WPS).

Si Quiboloy, isang malapit na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay mayroon umanong pagkiling sa China at ginagamit ang SMNI upang mabigyang katwiran ang mga agresibong ginagawa ng China sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ipinahayag ng mga mambabatas ang kanilang pagkabahala sa kasunduang nais pasukin ang SMNI at China Global Television Network (CGTN), isa sa tatlong network ng Chinese government sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises noong Disyembre 11.

“CGTN, Mr. Chair, dear colleagues, is the China Global Television Network, which is one of the three branches of the state-run China Media Group,” punto ni Navotas City Rep. Toby Tiangco.

Sinabi ni Tiangco na hindi malayo na gamitin ng CGTN ang SMNI upang ipakalat ang propaganda nito na taliwas sa posisyon ng gobyerno na ang WPS ay bahagi ng EEZ ng Pilipinas.

“If the franchise holder may cooperate or collab with the Chinese government state-owned media network, alam naman natin ang nilalabas [na mga impormasyon] ng China ngayon lalo sa West Philippine Sea ay puro kasinungalingan,” giit ni Tiangco.

Iniimbestigahan ng komite na pinamumunuan ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang mga umano’y paglabag sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na nag-o-operate sa ilalim ng pangalang SMNI.

Kung mapatutunayan na may paglabag, maaari umanong mabasura ang prangkisa ng Swara Sug na ni-renew ng Kongreso noong Agosto 2019 sa ilalim ng Republic Act (RA) 11422.

Kasama sa tinitignang paglabag ng kompanya ang pag-ere ng SMNI ng mali o hindi berepikadong impormasyon at red-tagging.

Sinabi ng abugado ng SMNI na si Mark Tolentino na wala pang pormal na kasunduan sa pagitan ng SMNI at CGTN. Tiniyak nito na ang pinal na kasunduan ay susunod sa mga batas ng Pilipinas.

Ayon naman kay Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez maaaring baliktarin ng China ang totoong kuwento at palabasin na ang Pilipinas pa ang may kasalanan sa nangyayari sa WPS.

“Binaliktad nila ang kwento, iba ang kwento sa kanila doon sa tunay na nangyari sa mga Pilipino,” sabi ni Suarez.

Dagdag pa ni Suarez, “Kaya ito medyo may pangamba din para sa akin dahil alam naman natin there are always two versions to the story. But as Filipinos we always have to support that which the Philippine government holds.”