Valeriano

Paglapastangan sa Ama Namin kinondena

Mar Rodriguez Jul 15, 2023
160 Views

MARIING kinondena ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang eskandaloso at walang pakundangang paglapastangan ng tinaguriang “drag queen” na si Pura Luka Vega sa sagradong kantang “Ama Namin”.

Sinabi ni Valeriano na binibigyan ng kalayaan at karapatan ang grupo ng LGBT na ipahayag o i-express ang kanilang saloobin sa isang partikular na usapin. Subalit binigyang diin nito na hindi na kabilang sa kanilang kalayaan ang maglapastangan lalo na sa usapin ng relihiyon.

Ayon kay Valeriano, ang ginawa umano ni Pura Luka Vega ay isang malinaw na paglapastangan o “blasphemy” sa kantang Ama Namin na napaka-sagradong dasal para sa mga Katoliko. Kung saan, ipinahayag ng tinaguriang “drag queen” na kinanta lamang niya ito ayon sa kaniyang sariling bersiyon.

Gayunman, ipinaliwanag ni Valeriano na hindi aniya maikakaila ang katotohanan na masyado umanong nasaktan ang mga Katoliko sa naging pagkilos ni Pura Luka Vega sapagkat may ilang grupo ang labis na nagpapahalaga sa kantang Ama Namin kahit ikatuwiran ng “drag queen” na may sarili siyang bersiyon.

Muling binigyang diin ng kongresista na kahit ano pa ang maging katuwiran ni Pura Luka Vega, ang ginawa umano nito ay talagang hindi kaaya-aya para sa mga Katoliko o Christian community sapagkat si Kristo ang itinuturing nilang sentro ng kanilang buhay dahil sa kanilang malalim na pananampalataya.

“To execute an art that will mock this faith regardless of the artist’s gender preference is certainly to offend the faithful. Such a drag expression surely is a known fact to the actor to be distasteful to the Christian community. Christ, the center of their faith,” Paliwanag ng mambabatas.

Ikinatuwiran pa ni Valeriano na hindi nakakatuwa o entertaining ang ginawa ni Pura Luka Vega dahil aminin man nito o hindi, ang pagkanta nito sa Ama Namin ayon sa kaniyang sariling bersiyon ay isang malinaw at lantarang pambabastos sa sagradong dasal para sa mga Katoliko.