Dy

Paglikha ng komprehensibong batas para sa umento sa sahod tiniyak ng mga kongresista

Mar Rodriguez May 2, 2024
155 Views

TINIYAK ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang paglikha ng isang komprehensibo at pangmatagalang solusyon sa pagbibigay ng umento sa sahod.

Sa ginanap na pulong balitaan na dinaluhan nina House Deputy Majority Leaders Faustino “Inno” Dy (Isabela, 6th District) at Jude Acidre (Tingog Party-list), at Assistant Majority Leader Maria Amparo “Pammy” Zamora (Taguig City, 2nd District), iginiit ng mga ito ang kahalagahan na masunod ang proseso sa pagtalakay sa komplikadong usapin ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa.

“There’s clearly a process specially for something as difficult to tackle as the wage increase. Alam naman po natin siyempre sa dami po ng problemang kinakaharap po ng ating mga kababayan ay dapat talagang makita natin kung ano ‘yung tamang solusyon lalong-lalo na sa pag-increase po ng kanilang mga wages,” ayon kay Dy.

Binigyan diin ni Dy ang samut-saring hamon na kinakaharap ng mamamayan, na nangangailangan ng pinaka-angkop na solusyon, partikular na sa umento sa suweldo.

“The House is currently in the process of undergoing committee hearings. Ito po ay dumadaan sa tamang proseso, pinapakinggan po natin lahat ng ating mga stakeholders, lahat po ng mga labor organizers, mga unyon at iba pa para maka-arrive po tayo sa mas maganda at mas sustainable na solusyon para po sa ating mga manggagawa,” dagdag pa ni Dy.

Sa kasalukuyan ay patuloy na tinatalakay ng House Committee on Labor and Employment ang ilang mga panukala na nagsusulong ng across-the-board wage hikes para sa mga manggagawa ng pribadong sektor, kabilang na ang dagdag na P150 sa daily minimum wage, na higit na mas mataas kumpara sa P100 umento na inaprubahan ng Senado noong Pebrero.

Pagtiyak pa ni Zamora, ang pagsisikap na ginagawa ng Mababang Kapulungan sa pagtalakay sa panukalang pagbibigay ng umento sa sahod na siya ring hinahangad ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Basta sinisiguro ng House of Representatives, lalo na ‘yung Committee on Labor and Employment, na hindi po namin titigilan ‘yung mga nakalagay na mga panukala dito sa amin at susundin namin ang kagustuhan ng Presidente na tumaas ang wage ng sambayanang Pilipino,” ayon kay Zamora.

Sumang-ayon din si Acidre sa naging direktiba ng Pangulo sa wage board na muling suriin ang umiiral na minimum wage sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa, na isang katunayan ng pagmamalasakit ng pamahalaan sa pangangailangan ng mga Pilipino.

“Natutuwa po tayo po ano na nandoon po yung instruction ng Presidente sa mga wage boards na i-review ang ating mga minimum wage lalo na sa mga regions ano,” sabi ni Acidre.

Dagdag pa ng mambabatas, “And I think that’s an indication na nakikinig po ang ating gobyerno, nakikinig po ang ating Pangulo at kahit naman ho dito sa Kongreso habang tinatalakay natin ‘yung mga batas na nagpu-push for a legislated wage hike eh patuloy tayong kumakalap ng mga samu’t saring opinion lalong-lalo na sa ibang mga sector na may kaugnayan tungkol sa labor at sa ating mga employers.”

Ayon pa kay Acidre, kinakailangan ang maingat na pag-aaral sa pagpapataas ng sahod, lalo na sa mga panahong nahaharap sa hamon ang ekonomiya na maaaring makaapekto sa kakayahan ng mga negosyante sa karagdagang labor costs.

“Ang gusto lang ho natin eh maging maingat tayo, hindi maging padalos-dalos sapagkat magiging sensitibo po ang usapin ng wage hike lalong-lalo na sa mga panahon na hindi rin ganoon kaganda ang ating ekonomiya na ‘yung capacity nito to absorb the added cost ng labor,” wika pa nito.

“Hindi naman ho natin sinasabi na hindi na siya option sa ngayon, pero ang ginagawa ho natin ay makinig sa lahat ho ng mga sector na involved, lalung-lalo na kase habang gusto man natin na guminhawa ang buhay ng ating mga manggagawa, tumaas ang sweldo ng ating mga manggagawa ay gusto din naman natin na hindi magsara ang ating mga negosyo at hindi rin maapektuhan ang kakayahan ng ating mga employer na makapagbigay ng saktong trabaho sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Acidre.