Salceda

Paglipat ng PhilHealth sa pangangasiwa ng OP sinang-ayunan

Mar Rodriguez Jun 26, 2023
252 Views

SINASANG-AYUNAN ng isang Bicolano congressman at Chairman ng House Committee on Ways and Means ang iminumungkahi ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na ilipat sa pangangasiwa ng Office of the President ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ipinaliwanag ni Albay 2nd Dist. Congressman Joey Sarte Salceda, Chairman ng Ways and Means Committee sa Kamara, na ang ibinigay na proposal o panukala ni Secretary Herbosa ay isang naiman na paunang hakbang para sa pagpapatupad at pagsusulong ng reporma sa PhilHealth.

Ang PhilHealth ay kasalukuyang nasa ilalim ng pamamahala ng Health Department. Subalit nagbigay ng mungkahi si Herbosa na ilipat na lamang ito sa pangangasiwa ng Office of the President.

Naniniwala si Salceda na malaki ang maitutulong ng paglilipat ng PhilHealth mula sa DOH patungo sa tanggapan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang mas mapahusay ang tinatawag na “financial governance” at investment management ng PhilHealth na isang social insurance agency at hindi isang ospital.

Sinabi ni Salceda na sakaling tuluyang mailipat sa pamamahala ng Office of the President ang pagpapatakbo sa PhilHealth. Maaaring konsultahin aniya si Pangulong Marcos, Jr. at ang Kalihim ng Department of Finance (DOF) tungkol sa usapin ng PhilHealth at ilang issues hinggil dito.

Ayon sa kongresista, mas matutugunan at matitimbang ni Pangulong Marcos, Jr. ang finance at health concerns ng PhilHealth sa pamamagitan ng ganitong set-up. Kung saa nakikita ni Salceda na mas epektibo ang nasabing Sistema.