Barzaga

Paglubog ng MT Princess Empress pina-iimbestigahan ng isang kongresista

Mar Rodriguez Mar 7, 2023
247 Views

PINAIIMBESTIGAHAN ng isang Southern Tagalog congressman sa Kamara de Representantes ang insidente ng paglubog ng motor tanker MT Princess Empress noong nakaraang February 28 sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro kasunod ng pagtagas ng 800,000 litro ng industrialized fuel.

Dahil dito, inihain ni Cavite 4th Dist. Congressman Elpidio “Pidi” F. Barzaga, Jr. ang House Resolution No. 829 upang magsagawa ng pagsisiyasat ang House Committee on Natural Resources na pinamumunuan nito kaugnay sa nangyaring “oil spill” na naka-apekto sa sampung minisipalidad ng Oriental Mindoro.

“Additionally, the oil spill might affect 20,000 hectares of coral reef, 9,900 hectares of mangroves and 6,000 hectares of seagrass and could possibly coat the marine habitats and animals which can clog the gills of fish and marine invertebrates. Damage the feathers of the birds and marine mammals,” ayon kay Barzaga.

Binigyang diin ni Barzaga na malaking epekto na aniya ang idinulot ng nasabing oil spill sa lalawigan ng Oriental Mindoro. Kung saan, maaaring maapektuhan na rin nito ang iba pang karatig probinsiya at umabot hanggang sa coastal islands tulad ng Palawan, Antique at Romblon.

Pinangangambahan naman ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus F. Madrona na hindi malayong maapektuhan na rin sila ng oil spill. Kung kaya’t iginiit nito na dapat mapanagot ng pamahalaan ang mga may-ari ng MT Princess Empress matapos itong lumubog at magkaroon ng malawakang oil spill.

Sinabi ni Madrona na hindi dapat palagpasin ng gobyerno ang nasabing insidente sapagkat maituturing na mahahalagang “protected area” ang kasalukuyang nasa panganib dahil sa oil spill. Kaya napaka-halaga aniya na papanagutin at habulin ng pamahalaan ang may-ari ng MT Princess Empress.

Ayon kay Madrona, kailangan magkaroon ng “containment, clean-up at rehabilitation’ sa mga naapektuhang lugar ng oil spill na ang may-ari ng MT Princess Empress ang siyang dapat magsagawa nito.

Umaapela din ang kongresista sa pamahalaan upang maglaan ng sapat na ayuda at magkaroon ng pansamantalang trabaho para sa mga naapektuhang mangingisda sa Mindoro at sa iba pang lalawigan na nakapalibot sa kontaminadong dagat. Sa gitna ng nangyaring insidente.