PNA Source: PNA

Pagpalawak ng kaalaman ng publiko sa panganib ng frat hazing hiniling

59 Views

KINONDENA ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri ang nagaganap pa rin na hazing at nanawagan siya sa mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), at Department of the Interior and Local Government (DILG), na palawakin ang kaalaman ng publiko ukol sa mga panganib at legal na kahihinatnan ng fraternity hazing.

Ang panawagan ni Zubiri kasunod ng pagkakahatol sa mga responsable sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III at 18-anyos na estudyante sa Nueva Ecija na nasawi dahil sa hazing.

Binigyang-diin ni Zubiri ang kahalagahan ng isang malawakang information campaign upang ipaalam sa publiko ang mga kahihinatnan ng pisikal na pananakit sa mga neophyte para lamang makasali sa fraternity.

“I think (last Tuesday’s) conviction, after seven long years, is something that will really serve as a strong deterrent,” sabi ni Zubiri.

Ayon kay Zubiri, ang mga responsable sa pagkamatay ni Castillo nahatulan sa ilalim ng 1995 Anti-Hazing Law at hindi sa bersyon ng batas noong 2018 kaya’t walang opisyal ng paaralan ang napanagot sa pagkamatay ng estudyante.

Isa si Zubiri sa mga may-akda at tagasuporta ng bagong batas. Sinabing napakahalaga ng isyu sa senador dahil malapit siya sa pamilya ni Castillo.

“It saddens me. It was sad that time because the father of Atio Castillo was actually my classmate in San Agustin.

His daughter was working for me as an intern when he died,” paglalahad ni Zubiri.

Bagaman natuwa siya na 10 miyembro ng fraternity ang nahatulan ng reclusion perpetua, sinabi ni Zubiri na dapat naparusahan din ang mga opisyal ng paaralan.

Simula noong 2018, maraming kabataang lalaki ang namatay o patuloy na nagdurusa dahil sa hazing dahil ang ilang fraternity hindi pa rin tumitigil sa tradisyong ito.

Kabilang sa mga namatay sina:

1. Darwin Dormitorio, PMA cadet, Setyembre 2019; 2. Omer Despabiladeras, Tau Gamma Phi, Pebrero 2020; 3. Robert John Limpioso Fernandez, Alpha Kappa Rho, Agosto 2020;

4. Joselito Envidiado, Tau Gamma Phi, Nobyembre 2020; 5. Jonash Bondoc, collegiate hazing, Hulyo 2021; 6. Mark Lester Miranda, namatay sa hazing, Setyembre 2021; 7. George Karl Magsayo, police hazing sa PNPA, Setyembre 2021; 8. Reymarc Rabutazo, Tau Gamma Phi, Marso 2022; 9. Jaypee De Guzman Ramores, police hazing, Hulyo 2022;

10. August Caezar Saplot, Alpha Kappa Rho, Setyembre 2022; 11. Ronnel Baguio, Tau Gamma Phi, Disyembre 2022; 12. John Matthew Salilig, Tau Gamma Phi, Pebrero 2023; 13. Ahldryn Lery Bravante, Tau Gamma Phi, Oktubre 2023; 14. Vince Andrew Delos Reyes, collegiate hazing, Hulyo 2024; 15. Ren Joseph Bayan, Tau Gamma Phi, Setyembre 2024.

Binanggit ni Zubiri na sa kabila ng pagkakaroon ng Anti-Hazing Act of 2018, may mga bahagi pa rin ng akademya na tila nag-aatubili na ganap na alisin ang hazing.

Ayon kay Zubiri, nakatakda siyang makipag-usap kay DepEd Secretary Edgardo Sonny Angara at CHED Chairman Popoy De Vera upang ipanukala ang paglabas ng memo sa mga paaralan at unibersidad na magbibigay ng malinaw na babala laban sa hazing.

“We’d like to make an appeal also to Tau Gamma Phi because apparently they were also involved in this last hazing incident. But not everyone in Tau Gamma Phi are bad people.

Now, I’m appealing to them. If you can get in touch with your fraternity and make the case that this is already an illegal activity, which is punishable by reclusion perpetua,” ayon sa senador.