CSE

Pagpapaigting ng CSE program hiniling

31 Views

NANAWAGAN ang dalawang senador na paigtingin ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) program sa gitna ng tumataas na bilang ng adolescent pregnancies at kaso ng human immuno virus (HIV).

Sa pangunguna ng Senate Committee on Basic Education ni Senator Sherwin Gatchalian, nagkaron ng pagdinig upang suriin at repasuhin ng husto ang implementasyon ng CSE program ng Department of Education (DepEd).

Layunin ng pagdinig na mabigyang solusyon ang tumataas na problema sa mga kabataan na maagang namumulat sa sekswal na pamamaraan.

Binigyang-diin sa pagdinig ang progreso, hamon at mga plano para sa nationwide implementation ng programang nakasaad sa DepEd Order No. 31, Series of 2018.

Ayon kay Sen. Gatchalian, mahalagang suriin ang pilot phases ng CSE sa Regions 1, 7 at 11 bago ito ganap na ipatupad sa buong bansa.

Pinagtuunan naman ng pansin ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros ang mga pangunahing isyu tulad ng pagsasanay ng mga guro, partisipasyon ng mga magulang at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno.

Ibinahagi ng mga opisyal ng DepEd ang progreso at sinabi ni Assistant Secretary Dexter Galban na 400,000 sa 800,000 guro ng ahensya ang sumailalim sa specialized CSE training.

“Our goal is to eventually get all teachers accustomed to knowing how to effectively handle CSE as a topic for our learners,” paliwanag ni Galban.

Tinalakay din sa pagdinig ang nilalaman ng CSE curriculum kung saan humingi ng paglilinaw si Sen. Hontiveros kung itinuturo ba ang mga sensitibong paksa sa mga batang mag-aaral.

“Yung CSE program ba nagtuturo sa mga bata na kasimbata ng 0 to 4 years old tungkol sa childhood masturbation? Or what about anal sex, oral sex? Tinuturo ba iyan sa ating mga eskwelahan, Mr. Chair?” tanong ni Hontiveros,

Bilang tugon, sinabi ni Asec. Janir Datukan na: “There’s nowhere in our curriculum that teaches these things to learners between 0 to 4. Ang mga learners po natin nagsistart at 5 years old sa DepEd.”

Iginiit ni Sen. Gatchalian ang commitment ng Senado na mapabuti ang CSE program.

“We would like to understand ways forward in implementing DO 31, particularly in the implementation of Comprehensive Sexuality Education,” aniya.

Layunin ng Senado na gawing mas epektibo ang CSE program upang tugunan ang kalusugan at kapakanan ng kabataang Pilipino habang pinapalakas ang ugnayan ng mga guro, magulang at mga ahensya ng gobyerno.