Calendar

Pagpapalakas ng OFWs, Libreng Pabahay, suporta sa barangay misyon ni Pacquiao
Trece Martires, Cavite – Sa harap ng libu-libong taga-Cavite, muling iginiit ni dating Senator Manny Pacquiao ang kanyang pangako ng tunay na pagbabago sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga batas na kanyang naipasa noon at ang kanyang hangaring ipagpatuloy ang mga ito sa Senado.
“Ang OFW Handbook Law, ipinasa natin para matiyak na protektado ang ating mga bagong bayani saan man sila magtrabaho sa mundo,” ani Pacquiao, na may akda ng Handbook for Overseas Filipino Workers (OFWs) Act at kilala sa kanyang malasakit sa overseas Filipino workers (OFWs).
Idiniin din niya ang kanyang adbokasiya sa libreng pabahay, na matagal na niyang isinulong.
“Sinimulan ko ‘yan tuwing mananalo ako sa boksing, at itutuloy natin sa Senado upang matiyak na walang Pilipinong walang disenteng tirahan,” dagdag niya.
Kasabay nito, kinilala rin ni Pacquiao ang mahalagang papel ng mga opisyal ng barangay sa kaunlaran ng bansa.
“Sila ang nakakaalam ng tunay na sitwasyon at kalagayan ng ating mga mamamayan. Kailangan silang bigyan ng sapat na suporta upang mas epektibong maglingkod sa kanilang mga nasasakupan,” aniya.
Tiniyak ni Pacquiao na ang kanyang panunumbalik sa Senado ay magdadala ng konkretong solusyon para sa mas inklusibong pag-unlad, lalo na sa mga mahihirap na mamamayan.
Sa huli sinabi ni Pacquiao na “Walang Dapat Maiwan sa Pag-unlad.”