Calendar
Pagpapalawig ng PECM project sa Region 6 iniutos ni DA Sec Tiu Laurel
INIUTOS ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang pagpapalawig ng implementasyon ng Protein-Enriched Copra Meal (PECM) commercialization project sa Western Visayas para palakasin ang animal production sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas murang alternatibong pagkukunan ng protina para sa animal feeds.
Ayon kay Tiu Laurel, inaasahang makikinabang ang mga farmers at feed producers sa Region 6 sa pagpapalawig ng PECM project.
“The program not only helps reduce feed costs but also supports the local economy by creating new markets for coconut by-products, which are often underutilized,” ani Tiu Laurel.
Inilunsad ang proyekto noong 2022 bilang tugon sa pagkaantala ng supply dahil sa COVID-19 pandemic at ng Russia-Ukraine war.
Unang ipinatupad ang PECM project sa Regions IV-A at XI na ang layunin masolusyunan ang tumataas na presyo ng animal feed.
Ginagamit sa proyekto ang copra meal-isang by-product ng coconut farming- bilang abot-kayang alternatibo para sa imported na soybean meal na nagmahal dahil sa isyu ng pandaigdigang supply chain.
Dinibelop ng University of the Philippines-Los Baños’ Biotech Center ang PECM na binuo sa pamamagitan ng solid-state fermentation process.
Sa pamamagitan nito, tumaas ang copra meal protein content sa 45 porsyento kumpara sa soybean meal.
Naging matagumpay ang pagsama ng enriched copra meal sa diet ng finfish at hipon sa isinagawang feeding trial.
Sinabi pa ni Tiu Laurel na nababalam ng giyera ng Russia at Ukraine ang global feed ingredient supply chain na siyang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng soybean meal, feed wheat at mais.
Kabilang ang Russia at Ukraine sa 30 porsiyento na global feed grain supply na siyang dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga feeds.
Magkatuwang na pinapatupad ng Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic at Natural Resources Research and Development, UP Los Baños at iba’t-ibang farmers cooperatives at associations ang PECM project.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2023, bumaba ang hog production sa Western Visayas sa 23 porsiyento o may katumbas na 158,471 metriko tonelada.
Tumaas naman ng carabao production sa 3.9 porsyento na may katumbas na 17,159 metriko tonelada samantalang tumaas ng 0.1 porsyento ang cattle production.
Layunin din ng ahensya na palakasin ang food security, pagandahin ang local feed production at i-promote ang mas mahusay na paggamit ng mga agricultural by-product sa livestock farming sa pamamagitan ng pagpapalawig ng copra meal initiative.