Sim

Pagpaparehistro ng mga prepaid SIM cards pasado na sa Kongreso

Mar Rodriguez Sep 20, 2022
423 Views

MARAHIL ay hindi na uubra ngayon ang masasamang gawain at illegal activities na kinasasangkutan ng iba’t-ibang sindikato dahil madali ng mabubuko ang kanilang kabulastugan na gumagamit ng mga prepaid SIM card sa kanilang mga illegal na transaksiyon.

Ito ang layunin ng House Bill No. 14 matapos itong pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes na naglalayong ipa-rehistro ang lahat ng Subscribers Indentity Module (SIM) cards na inakda mismo ni House Speaker Ferdinand “Martin” Gomez Romualdez.

Kabilang din sina House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Cong. Ferdinand Alexander A. Marcos at TINGOG Party List Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre sa mga c0-author ng nasabing panukalang batas upang tuluyan ng mapuksa ang talamak na illegal activities gamit ang mga prepaid SIM cards.

Pumasa sa huling pagbasa ang HB No. 14 sa pamamagitan ng 250 boto mula sa mga kongresista na pumapabor dito. Samantalang anim na mambabatas ang nagbigay ng kanilang negatives votes at isang abstention o hin di nagbigay ng kaniyang boto.

Alinsunod sa itinatakda ng House Bill No. 14, layunin nito na isailalim sa regulasyon ang pagbebenta at distribution ng iba’t-ibang mobile SIM cards para tuluyan ng tuldukan ang pagkalat ng scam at mobile phone at masasamang gawain o illegal activities.

Bilang reaction, sinabi naman ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na malaki ang maitutulong aniya ng pagkakapasa ng HB No. 14 para sa Philippine National Police (PNP) sapagkat makakatulong ito sa kanila sa pagresolba ng kriminalidad sa bansa.

Ipinaliwanag ni Dy na madali ng mabubuko at unti-unting mapipigilan ang kriminalidad o ang tinatawag na “crime prevention” dahil layunin ng panukala na ipa-rehistro ang mga SIM cards sa pamamagitan ng “registration forms”.

Sinabi ng kongresista na bago bumili ng prepaid SIM cards ang isang indibiduwal ay kailangan muna nitong i-rehistro ang kaniyang pangalan, araw ng kapanganakan, kasarian, tirahan at kailangan din nitong iprisinta ang isang valid government used identification document.