Pacman

Pagpaslang sa beteranong mamamahayag na si Johnny Dayang kinondena ni Pacquiao

Mar Rodriguez May 1, 2025
15 Views

Pacman1NAGPAHAYAG ng mariing pagkondena ang binansagang Pambansang Kamao na si Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao bunsod ng walang habas at walang saysay na pamamaslang sa beteranong kolumnista na si Johnny Dayang na isang direktang pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag.

Binigyang diin ni Pacquiao na ang sinapit ni Dayang ay indikasyon ng lantarang paglapastangan sa kalayaan ng media na maipahayag ang katotohanan.

Paliwanag pa ni Pacquiao na ito ay nangangahulugan ng nakapanlulumong paalala sa mga panganib na patuloy na kinakaharap ng mga mamamahayag sa ating bansa gaya ng sinapit ng iba pang mediamen na napatay dahil sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin.

Nagpaabot din pakikidalamhati si Pacquiao para sa pamilya ni Dayang na napaulat na binaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin habang hinihimok naman nito ang mga otoridad na agarang papanagutin ang mga responsable sa naganap na krimen.

Pagbibigay pa ng dating senador na ang pagpaslang sa isang mamamahayag ay hindi lamang pag-atake sa isang tao. Bagkos, ito ay pag-atake sa demokrasya mismo, sa katotohanan at sa karapatan ng bawat Pilipino.

“Ang pagpaslang sa isang mamamahayag ay hindi pag-atake sa isang tao kundi ito ay pag-atake mismo sa ating demokrasya. Ipinagkakait ang katotohanan para sa mga Pilipino dahil sa pagpatay sa mga mamamahayag na nagsisiwalat ng katotohanan,” sabi ni Pacquiao.

Nananawagan din si Pacquiao sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at sa Department of Justice (DOJ) upang agad na kumilos para mabigyan ng hustisya ang sinapit ni Dayang at maipakita sa buong mundo na hindi bulag o pipi ang hustisya sa ating bansa sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga salarin.

Tiniyak din ni Pacquiao na sakaling siya ay papalaring mahalal. Sisikapin nitong isulong ang mahigpit na proteksiyon para sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng pagpapataw ng mabigat na kaparusahan laban sa mga taong sangkot sa pagpatay sa isang miyembro ng media.

“Ang malayang pamamahayag ang dugo ng isang malayang bansa. Kapag nahalal, itutulak ko ang mas mahigpit na proteksiyon para sa mga mamamahayag. Mas mabigat na parusa sa mga umaatake sa kanila at tuloy-tuloy na pagtatanggol sa kalayaan ng pamamahayag,” wika pa nito.