Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Pagpatay sa lokal na opisyal ng Pampanga pinaiimbestigahan sa Kamara

64 Views

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa Kamara de Representantes ang pagpaslang umano sa mga lokal na opisyal ng kanyang probinsya.

Kasabay nito ay nanawagan si Gonzales sa pulisya na resolbahin ang mga pagpatay at gumawa ng paraan upang matigil ito.

Sa isang privilege speech noong Lunes, sinabi ni Gonzales na maghahain din ito ng resolusyon para sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

Ayon kay Gonzales apat na opisyal ng barangay sa San Fernando City at isang konsehal ng Arayat ang pinaslang at isa pang opisyal ng barangay nag nakaligtas sa ambus.

Nangyari umano ito sa pagitan ng Abril 30, 2022 hanggang Nobyembre 12.

“Nakakalungkot isipin na hindi pa man nareresolba ang mga patayan noong 2022 ay patuloy pa ring nangyayari ang mga ganitong klaseng krimen sa aking distrito,” sabi ni Gonzales.

“And I can’t help but think: Are these recent deaths related to illegal activities? Away kaya ito sa negosyo? May kinalaman kaya ito sa (May 2025) eleksiyon?…Ilan pa ba ang mamatay bago kumilos ang lokal na kapulisan?” tanong ng mambabatas.

Nanawagan ang kongresista sa kapulisan na resolbahin ang mga pagpatay at bigyan ng hustisya ang mga biktima.

“The perpetrators must be exposed and should be punished within the full extent of the law. Their conviction shall provide the victims’ family with closure and shall allow them to begin to heal and mourn the loss properly,” sabi nito.

Ayon sa mambabatas 16 na beses na pinagbabaril si Barangay Captain Alvin Mendoza ng Alasas, San Fernando noong Abril 30, 2022.

Noong Disyembre 28, 2022 naman pinaslang si Barangay Captain Jesus Liang ng Sto. Rosario, San Fernando City, habang naglalakad sa palengke.

Pinaslang naman ang dating board member at Pampanga Liga ng mga Barangay President na si Gerome Tubig noong Abril 17, 2023 sa tapat ng VL Makabali Memorial Hospital isa San Fernando City.

Makalipas ang isang taon, noong Hunyo 11, 2024 ay pinaslang naman si Barangay Captain Matt Ryan de la Cruz at drayber nitong si Henry Aquino sa gaslinahan sa Del Pilar, San Fernando City.

Noong Agosto 11, 2024 ay pinaslang naman si Barangay Captain Norberto “Mel” Lumbang ng Laquios, Arayat sa loob ng barangay hall.

Pinagbabaril naman si Arayat, Pampanga Councilor Federico Hipolito noong Nobyembre 12. Sugatan ang kanyang kasama na si Brgy. Captain Julito Trinidad ng Barangay Batasan.

“As usual, the police have yet to determine the motive for the attack,” sabi ni Gonzales.

Nanawagan ang kongresista sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang kanyang panawagan na imbestigahan ang “senseless and unresolved killings” sa kanyang distrito.

“Justice may have many faces, but in the end, I believe it’s primarily about accountability,” sabi nito.

Nangako si Gonzales sa pamilta ng mga biktima na hindi ito titigil hanggang sa mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga biktima.